Bitag para siya ilubog, naging hagdan pataas
MAY nang-aapi kay Michelangelo na inggit na inggit sa kanya. Pangalan niya’y Bramante, kilalang arkitekto nu’ng panahong ‘yun. Narinig n’yo na ba si Bramante. Tiyak ko hindi. Ang mga nang-aapi kasi ay nalulusaw sa alikabok, at ang inapi ay sumisikat na bituin. Mahalagang leksiyon.
Nang maisipan ni Pope Julius na magpagawa ng nitso, tinapik niya si Michelangelo para sa proyekto. Nang mabalitaan ito ni Bramante at mabatid ang tanyag na aanihin ni Michelangelo, kinumbinsi niya ang Papa na umatras. At gayon na nga ang nangyari. Matapos mag hanap sa buong Europa nang walong buwan si Michelangelo ng pinaka-makinis na marmol, sinabihan siyang abandonahin na ang proyekto. Laking sama ng loob niya.
Isang araw may naisipang bagong proyekto si Pope Julius. Nang mabatid ito ni Bramante, pinasya niya na makakaubos lang ito ng oras pero hindi naman pagmumulan ng tanyag. Kaya inudyukan niya ang Papa na ipagawa ito kay Michelangelo. Naisip ni Bramante na malululong doon ang pantas nang ilang taon, pero wala namang halaga. Bukod du’n, pagpipinta ang proyekto; alam ni Bramante na hindi pintor kundi iskultor si Michelangelo.
Natunugan ni Michelangelo ang bitag. Naamoy niya ang pakana ng kaaway na sirain siya. Nu’ng una ay tumanggi siya sa proyekto. Pero nang magpumilit si Pope Julius, pumayag na rin si Michelangelo.
Totoo ngang nakauubos ng oras ang proyekto. Inabot nang apat na taon para matapos, at halos mabulag si Michelangelo sa pagtatrabaho. Tiyak ko alam n’yo na ang proyekto’y ang pagpipinta ng kisame ng Sistine Chapel sa Roma. Ang pininta niyang “Creation” ang kinikilalang obra maestra ni Michelangelo. Dahil doon ay kinilala siya bilang isa sa pinaka-mahusay na pintor sa lahat ng panahon. Ang bitag para ilubog si Michelangelo ay naging hagdan sa kanyang katanyagan sa mundo. Huwag tayong susuko sa mga Bramante sa paligid.
* * *
Lumiham sa jarius bondoc@ workmail.com
- Latest
- Trending