PANSININ ninyo ang bakbakan sa presyo ng diesel dito sa Lucena City, paanyaya ng mambabasang si Dr. Louis Limjoco. Kumakalat na ito sa iba pang bayan ng Quezon, patungo sa Kamaynilaan. Mahigit isang buwan na ang lumipas, nagbaba ang may-ari ng “generic diesel station” nang P2.50 kada litro kumpara sa Maynila. Napilitan ding magbaba ang lahat ng gasolinahan sa Lucena, kabilang ang Big Three: Petron, Shell, Chevron. Nang patuloy bumaba ang presyo sa buong bansa, nanguna ang “generic station” nang P2.50 pa rin kada litro. At patuloy ding napilitang magbaba lahat, pati sa karatig na bayan ng Sariaya, at pagkatapos ay Candelaria, at pati sa San Pablo City sa Laguna, dahil napansin nilang dinudumog ng customer ang mga mas mura.
Dati-rati kabaliktaran, ani Dr. Limjoco. Habang papalayo sa Maynila at pamahal nang pamahal ang gasolina. Pero ngayon, habang papalayo sa Maynila at patu-ngong Lucena ay pamura nang pamura. Sa pakiwari niya, matalas na negosyante ang may-ari ng “generic station”; kundi naman, ito ay isang makabayan at makataong nilalang na nakatulong nang husto sa mga naghihirap na mamamayan.
Ano’t ano man, ani Dr. Limjoco, kinukumpirma ng presyuhan sa Lucena at kapaligiran na kaya pang iba-ba ang presyo ng gasolina kaysa ginagawa ng mga oil companies. Kaya, tama raw ang kolum ko nu’ng Sept. 9 kung saan nilahad ko ang formula ng kaklaseng si Tom Rueda sa pagkuwenta ng tamang pump price: Presyo ng bariles ng krudo X presyo ng piso sa dolyar X .009 = presyo kada litro.
Pero mas mababa ang presyo sa pagpasa ng oil companies sa gas stations. Siyempre, kailangan ng station owners kumita. At kadalasan ay 3 percent ang margin sa fuel. Dinadagdagan nila ang kita sa pamamagitan ng pagbenta ng gasul, pagkain at magasin.
Sa palagay ko may nadiskubreng pandagdag na pagkakakitaan ang mabait na station owner sa Lucena.
* * *
Lumiham sa jariusbondoc@ workmail.com