Pagkakakitaan ang patay
Pinapaalalahanan tayong muli kung gaano kalaki ang gastos mamatay tuwing sumasapit ang Undas. Kung puwede nga lang huwag na tayong mamatay kasi kung ano man ang kinikita ng karamihan sa atin ay talagang kulang na kulang para sa araw-araw nating pangangailangan tapos dadagdagan pa ng gastusin pag may namatay na miyembro ng pamilya.
Ngunit wala naman tayong choice, mamamatay din tayong lahat, magkaiba nga lang ang paraan at panahon.
Kapansin-pansin nga na nitong mga huling taon na dumarami na rin ang pumapasok sa negosyo ng punerarya at maging ng libingan o memorial parks dito sa Southern Mindanao, partikular na dito sa Davao City.
Pinagkakikitaan ng punerarya ang mga patay. Kaya hindi nauubusan ng pakulo ang mga punerarya rito. Kanya-kanya ring patalbugan ng mga chapels na pagbuburolan ang mga punerarya rito dahil kaliwa’t kanan ang renovation at expansion nila.
Ang Cosmopolitan Funeral Homes at Angel Funeral Parlor dito ay nangunguna sa pagpaganda ng kanikanilang struktura. Andun din ang St. Peter’s Chapels na nagtatayo rin ng mga bagong buildings nila sa timog ang hilagang bahagi ng siyudad. Ang Patalinghug Funeral Homes, Funeraria Villa at Collado Funeral Homes ay may ginagagawa rin para mas mapaayos ang kani-kanilang serbisyo.
Nagtatalbugan din ang mga punerarya rito ng mga magagarang funeral cars na isang indikasyon na talagang inaayos at mas magaling na ang kanilang serbisyo.
May e-burol pa nga ang ibang punerarya rito na nagpapakabit ng broadband upang magkaroon ng free wi-fi internet connection sa funeral homes. Ito ay para sa mga kamag-anak, lalo na iyong sa abroad, na hindi maka-uwi upang makadalo sa burol. Kinakabitan ng webcam ang chapel na kung saan makikita ang mga pangyayari 24 hours sa burol ng mga nasa ibang panig ng Pilipinas o sa ibang bansa man na may internet connection.
Kung dati ang Davao Memorial Park at San Pedro Memoria Park lang ang kilala ritong pribadong sementeryo, ngayon marami na ring pagpipiliang memorial parks dito maliban pa sa public cemeteries.
Dumadami na rin dito sa Davao City ang mas pabor sa cremation. Hindi na gaya noon na mas marami ang ayaw dahil mas gusto nilang ililibing na buo ang katawan ng namatay. Ang cremation ay isang paraan na rin para hindi na lumala pa ang problema ng sumisikip na mga semeteryo dahil sa dami ng mga nililibing.
At kapansin-pansin nga na tuwing Undas ay talagang hindi nauubusan ng pakulo ang mga punerarya maging ang mga memorial parks. May mga binigay nga silang extra services maliban pa sa mga malalaking diskuwento sa burol at pagpalibing.
Talaga namang siguradong negosyo ang mga patay dahil ang mga naiiwan ay gagawin ang lahat upang maayos ang pagpaalam.
Ngunit higit sa ating pagsisikap na galangin ang alaala ng ating mga namayapang mahal sa buhay, sana naman ganoon din ang ating pagnanais na respetohin ang karapatang pantao ng yaong mga buhay pa at tuluyan nang wala ng digmaan, at ang mundo ay maging mapayapa na.
- Latest
- Trending