TATLONG tulog na lang at mayroon nang bagong halal na presidente ang United States. Mayroon nang papalit kay George Bush bilang pinaka-most powerful man in this planet. Sigurado ako na talagang aalis sa White House si Bush kapag nanumpa na ang papalit sa kanya.
Sabi ng mga Pinoy-American, mabuti pa raw dito sa US at may papalit na kay Bush pag-alis nito sa puwesto. Sa Pilipinas wala raw kasiguruhan na magkakaroon ng bagong presidente pagkatapos ng termino ni GMA sa 2010. May plano raw si GMA na magpatuloy sa kanyang posisyon. Ginagawan daw ng paraan na amyendahan ang Konstitusyon upang mapahaba ang termino.
Kaiba rito sa US. Kahit na bali-baliktarin, hindi sila nag-iisip na baguhin ang kanilang Konstitusyon upang mapahaba lamang ang termino ng kanilang presidente katulad ng pinaplano raw ni GMA.
Nagkataon na ang administrasyon nina GMA at Bush ay parehong hindi gusto nang nakararami. Pareho ring bagsak ang ekonomiya ng kanilang bansa at maraming reklamo ang kanilang mamamayan kung paano nila pinatatakbo ang kanilang pamahalaan. Maliban sa Iraq, problema ni Bush kung papaano maiaaahon ang ekonomiya ng US. Ang giyera namang hinaharap ni GMA ay ang laban niya sa MILF at ang talamak na graft and corruption.
Kapag umalis si GMA sa kanyang puwesto sa 2010, mahihirapang manalo ang kanyang kandidato sa pagka-presidente dahil hindi maganda ang kanyang naging administrasyon. Ganito rin ang nangyayari sa kapartidong Republican ni Bush na si John McCain. Maaaring matalo siya dahil apektado sa palpak na administrasyon ni Bush.
Aalis si Bush ayon sa kanilang Konstitusyon dahil sa may papalit sa kanya. Sa Pilipinas, hindi ako nakasisiguro kung aalis si GMA pagkatapos ng kanyang termino. Hindi magtatagal at mahahalata na ang kilos ng mga taga-Malacañang sa isyung ito.