EDITORYAL - Higpitan ang mga abusado at walang disiplinang driver
SUNUD-SUNOD ang mga trahedya sa kalsada at walang ibang masisisi rito kundi ang mga driver ng pampublikong sasakyan. Karamihan sa mga driver ng bus at dyipni ay abusado at walang disiplina. At ang masamang ugaling ito ang nagdudulot nang pagkamatay ng mga inosenteng pasahero. Noong Linggo ng gabi, isang pampasaherong dyipni ang nawalan umano ng preno at sinagasaan ang isang talipapa sa Payatas, Quezon City. Tatlo ang patay at marami ang nasugatan. Sumunod na araw, isang pampasaherong dyipni ang nawalan din ng preno at nahulog sa bangin sa Tagaytay. Pito ang namatay sa aksidente.
At kapag nagkakaroon ng ganitong mga pangyayari, ang laging katwiran ng mga driver ay nawalan sila ng preno. Inililigtas na nila ang sarili sa nangyari. Na hindi naman nagiging kapani-paniwala kung minsan sapagkat ang mga nagpapatunay mismo ay mga pasaherong nakaligtas na kaya sila naaksidente ay dahil sa kawalang ingat o pagiging kaskasero ng drayber.
Kawalan ng ingat at pagiging abusado ang dahilan. Kung responsible ang driver, hindi na niya dapat ibinibiya he ang kanyang sasakyan kung may deperensiya ang preno. Hindi niya dapat isinusubo sa kamatayan ang kanyang mga pasahero.
Kawalang ingat at pagiging abusado rin ang naging dahilan kaya nasalpok ng pampasaherong bus ang Mercedes Benz ng prominenteng eye doctor sa EDSA noong nakaraang linggo. Sa tindi ng pagkabangga sa sasakyan ng doktor, nagliyab ito at nasunog ang biktima. Bukod sa doktor, tatlong iba pa ang grabeng nasugatan.
Umano’y nakikipagkarera si Martinito Madrid, 39, sa isang bus kaya nabangga ang sasakyan ng doktor. Ayon sa report kahit na palusong na sa bahagi ng EDSA-Santolan ang bus ni Madrid ay tumatakbo pa ito ng 100 kph. Ayon sa batas, 40 kph lamang ang speed limit sa EDSA.
Higpitan ang mga abusado at walang disiplinang drivers ng pampasaherong bus at jeepney. Sa pagkuha pa lamang ng lisensiya ay isalang na sila sa matinding eksaminasyon at mga pagtatanong. Bago isyuhan ng lisensiya, dapat makalusot sila sa matinding pagsusulit. Tama rin namang isailalim sila sa neuropsychological examination. At ang pinakahuli at mahalaga ay ang pagsasailalim sa mahigpit na drug tests.
Sa mga ganitong paraan maaaring malipol ang mga abusado at walang disiplinang drayber ng bus at jeepney. Panahon na para makakita sa kalsada ng mga responsableng driver na may pagpapahalaga sa buhay ng kani-lang pasahero o maski ng pedestrians. Hindi dapat bigya ng pagkakataon na makahawak ng manibela ang mga walang pakialam sa buhay ng kanilang pasahero o kapwa motorista. Ipatupad ang mga ganitong balak para sa kaligtasan ng mamamayan.
- Latest
- Trending