DITO sa US ay may early voting, ’yung gustong bumoto ay pinapayagan para makabawas sa siksikan sa araw ng botohan. Madali lang bumoto rito sapagkat may naka-assign nang presinto ang bawa’t botante. Alam na nila kung saan pupunta.
Kapansin-pansin ang mga Black American na nag-early voting. Umpuk-umpok sila. Hula ko, si Barack Obama ang kanilang ibinoto. Noon ko pa naririnig na solid ang mga Black kay Obama.
Hindi naman ito nakapagtataka sapagkat ngayon pa lamang ang unang pagkakataon na may Black American na kandidato para sa pagka-presidente. Kung mananalo si Obama siya ang kauna-unahang Black na US President.
Maraming kilalang personaliad ang sumusuporta kay Obama at kabilang diyan ang pinaka-impluwensiyal at isa sa pinakamayamang babae sa mundo na si Oprah Winfrey. Sumusuporta rin kay Obama ang dating Secretary of State na si Gen. Colin Powell. Si Powell ay isang Republican. Marami pang Black ang sumusuporta kay Obama kahit kalabang partido.
Palagay ko malaki ang pag-asang manalo si Obama laban kay John McCain sapagkat suportado ng Blacks. Pero malay ko rin, baka manalo rin si McCain dahil mas nakararami ang mga puti kaysa sa mga itim. Mabuti pa, abangan na lang natin sa November 4.