'Buto sa balakang'
NAALALA NINYO PA BA ‘yung doktor na nabangga ng bus ang kanyang sasakyan, lumiyab, natusta at pati kasama niya ay malubha pa hanggang ngayon sa Ospital?
Marami sa ating mga mambabatas ay nakatutok ngayon pa lamang sa darating sa eleksyon sa 2010. Walang tigil ang mga hearings sa dalawang kapulungan ng Kongreso na ginagamit para magpasikat dahil nga naman sa telebisyon coverage.
May mga batas na dapat pagtuunan ng pansin gaya ng pag amyenda ng parusa sa mga taong nakapapatay sa aksidente o grabeng pinsala sa kapwa dahil naka-droga ang drayber o lasing. Kelan ba kayo kikilos d’yan?!?
Isang ginang ang pumunta sa aming tanggapan upang humingi ng tulong sa sinapit ng kanyang asawa. Siya si Milagros Derla, 47 taong gulang at nakatira sa San Juan kasama niya ang kanyang kapatid na si Consolacion Calma.
Ang kanyang asawa na si Felicisimo na nagtitinda ng “shorts” para ikabuhay nila ay nabundol at permanenteng nalumpo dahil sa pagiging barumbado ng isang drayber.
Ika-14 ng Setyembre 2008 nanggaling si Felicisimo sa pwesto niya ng nagpasya itong bumalik sa kanilang bahay. Habang patawid siya sa pedestrian lane napansin nito na may sumabog na isang poste ng Meralco malapit sa kanyang kinatatayuan.
Tumingala siya at nakita niya ang transformer na sumabog. Mabilis ang mga pangyayari. Sa isang iglap nakita niya na lang na may isang pampasaherong jeep na rumaragasa papunta sa kanya. Tinamaan siya nito at tumilapon sa sobrang lakas ng pagkabangga sa kanya.
Sinubukan niyang tumayo pero hindi niya nagawa dahil sa pagkamanhid ng ibabang bahagi ng kanyang katawan. Hindi niya maigalaw ang kanyang balakang hanggang sa mga paa.
Nasa bahay si Milagros at anak na si Angelo nung mga oras na ‘yun. Naabutan ni Milagros na nag-aapoy yung kuryente. Akala niya nasabugan ang asawa niya. Nakita ni Milagros si Felicisimo na nakasakay na sa stretcher.
Sa report nawalan umano ng preno ang jeep na ang tanging sakay ay ang drayber na si Roberto Garcia at anak nito. Tumakbo agad ang drayber.
Dinala si Felicisimo ng mga tao sa ospital ng San Juan Medical Center. Hindi nagpakita ‘yung drayber at ang operator ng jeep na si Dionisio Garsain ang humarap at nagpunta sa ospital.
Nagkagulo pa sa ospital nang pilit na pinapalipat nung operator ng dyip sa Orthopedic si Felicisimo dun raw kasi mas makakamura. Hindi sila magkasundo kaya bigla na lang umalis si Dionisio
Naging kritikal ang kondisyon ni Felicisimo. Matagal bago siya nagkaroon ng malay. Ayon sa mga doctor nagkaroon ng “internal hemorrhage ang biktima at na-dislocate ang kanyang pelvic bone (buto sa balakang).
Sinubukan nilang puntahan yung operator upang humingi ng tulong sa nangyari kay Felicisimo.
“Sinigawan pa niya ako at ipinahiya. Hindi raw siya magbabayad kahit magdemanda pa raw kami hanggang gusto namin at hindi siya natatakot,” pahayag ni Consolacion.
Binalikat nila ang laki ng gastusin sa ospital ng wala umanong tulong mula sa operator o drayber. Mahigit 100,000 piso ang nagastos nila sa operasyon at gamot.
Nagkaroon pa ng ‘di magandang epekto ang operasyong ginawa kay Felicisimo. Hindi niya magalaw ang kalahati ng kanyang katawan mula sa baywang hanggang sa kanyang mga paa. Ni hindi na ito makaihi o dumumi.
Ilang buwan na ang nakakalipas at hindi pa rin nakakalabas ng ospital ang biktima. Malala pa rin ang lagay ni Felicisimo. Hindi siya makakain ng maayos at nakahiga lang ito. Lubog na rin sa utang ang pamilya sa pagkawala ng kakayahan ni Felicisimo na makapagtrabaho.
Sinampahan nila ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Serious Physical Injuries ang drayber na si Roberto Garcia sa Prosecutor’s Office ng San Juan.
Humingi naman sila ng tulong sa aming tanggapan upang masampahan rin ng kaso ang operator na si Dionisio Garsain. Ni-refer namin siya kay Atty. Alice Vidal ng Integrated Bar of the Philippines. (KINALAP NI GAIL DE GUZMAN)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayong magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending