Dalawang libingan

Ngayong November 1 ay Todos los Santos

na dito sa bansa at maging sa abroad –

ay ginugunita’t ating sinusunod

na ang mga patay dalawin ang puntod!

Sa mga libingan ay hugos ang tao

kaya parang pista mga sementeryo;

kahi’t umuulan kahi’t bumabagyo

doon sa libingan nagsasadya tayo!

Iba’t ibang puntod doo’y makikita

mayr’ong sementado, mayr’ong nasa lupa;

mga sementado’y libing ng maykaya

ang sa lupa nama’y libingan ng dukha!

Kaya sa libingan ay umiiral din

ang pagkakaiba sa buhay na angkin;

noong nabubuhay – magara ang libing

siya ay nagsikap naging matiisin!

Yaong nakalibing sa puntod na lupa

noong nabubuhay ay naging pabaya;

sa bisyo at sugal siya ay sagana –

kaya nang ilibing ni walang kandila!

Nalingid sa atin baka ang libingan

ng mayamang tao sapagka’y gahaman 

nagkamal ng limpak at malaking yaman

upang di halata – sa libing nagyabang!

Ngunit ito namang nalibing sa lupa

noong nabubuhay napakadakila

siya’y matulungin at ang tanging nasa –

maglingkod sa Diyos at sa kanyang kapwa!

Pero ang masakit nang siya’y maratay

walang pumapansin hanggang sa mamatay;

kung Todos los Santos o Araw ng Patay

ang kanyang libinga’y nilimot na lamang!

Marahil ganito ang gusto ng Diyos

sa Kanyang nilalang dito sa sinukob;

sa mga nagsikap may biyayang dulot

ang mga bulagsak nagiging busabos!

Show comments