KASO ito ni Yoly na may negosyong poultry. Upang mabayaran ang pinagagawang bodega ng feeds at malalaking kulungan ng manok, nangutang si Yoly ng P1.1-milyon sa Land Bank of the Philippines noong Abril 21, 1993. Isinangla ni Yoly ang isang parselang lupa na nakapangalan sa kanya. Sa oras na hindi siya makabayad, magkakaroon ng karagdagang 12 percent na multa kada taon ang kanyang utang.
Nakabayad ng kaunti si Yoly. Nalugi ang kanyang negosyo dahil sa mababang kalidad ng patuka. Napilitan siyang makipagkasundo sa banko noong Abril 18, 1996 upang mabigyan siya ng mas matagal na palugit upang bayaran ang utang. Pumayag si Yoly na magbayad ng P300, 625.55 sa kabuuang utang na P1,171,467.18. Ang balanseng P840,843.63 ay babayaran tuwing ikatlong buwan sa interes na 17 percent kada taon. Kapag hindi nakabayad sa loob ng anim na buwan ay iilitin ng banko ang lupa.
Hindi nakabayad si Yoly kaya nag-umpisa na ang banko sa pagremata ng kanyang ari-arian. Nagsampa ng kaso sa korte si Yoly upang mapigil ang banko. Walang nangyari sa kaso dahil natuloy pa rin ang pagremata at pagbebenta sa lupa kaya ang ginawa ni Yoly ay ipinabago ang reklamo upang hingin sa korte na mapawalang bisa ang pagremata at ang naging pagbebenta ng lupa.
Ibinasura ng korte ang reklamo. Nang mag-apela, binago ng CA ang desisyon. Ipinawalang bisa nito ang bentahan at inutusan si Yoly na bayaran ang halagang P592,792.42. Ayon sa CA, ang interes na 17 percent kada taon at ang multa na 12 percent interes kada taon ay isang kawalan ng budhi (unconscionable). Ibinaba nito ang interes sa 5 percent at ang multa sa 5 percent din. Tama ba ang CA?
TAMA. Sa Art. 1229 Civil Code, binibigyan ng kapangyarihan ang korte na bawasan ang multa kung lubhang napakataas ng interes at nakapagbabayad naman ang may utang. Sa mga kasong tulad nito, ang korte lamang ang makapagsasabi kung mataas o hindi ang interes na ipinataw.
Sa parte ni Yoly, ginamit niya ang inutang upang makapagpagawa ng bodega ng patuka at kulungan ng mga manok. Ayon sa batas (Agriculture and Fisheries Modernization Act of 1997), dapat na magpautang ang LBP sa mga magsasaka, mangingisda at maliliit na negosyante sa murang halaga. Ang ipinautang kay Yoly ay parte ng paraan ng gobyerno upang matulungan ang maliliit na negosyante. Tama lamang na bawasan ang interes kay Yoly dahil nalugi naman siya at kung tutuusin ay nakapagbayad naman kahit paano sa utang.
Hindi maaapektuhan ng ginawang pagbabawas ng interes ng korte ang karapatan ng LBP na habulin ang pagkakautang ni Yoly. Ngunit ang ginawang publikong pagremata ng banko at pagbebenta ng lupa ni Yoly ay wala na ngayong bisa. (Land Bank of the Philippines vs. David, G.R. 176344, August 22, 2008).