EDITORYAL - Trabaho para sa mahihirap
SA mga State of the Nation Address (SONA) ni President Arroyo ay lagi niyang nababanggit ang paglikha nang maraming trabaho para sa mga Pilipino. Milyong trabaho aniya ang kanyang iki- create sa loob ng anim na taon. Mula nang mag-SONA noong 2001, ang paglikha na ng trabaho ang kanyang binabanggit. Sa huli niyang SONA noong July, may nabanggit pa rin siyang trabaho para sa mga Pilipino.
Pero sa kabila ng aniya’y paglikha nang maraming trabaho, nakapagtataka namang marami pa ring Pinoy ang nakasadlak sa kahirapan at walang trabaho. Sa kawalan ng trabaho ay walang maihandang pagkain sa hapag. Hinahanap ngayon nang nakararaming Pilipino ang mga trabahong sinasabi ni Mrs. Arroyo pero mahirap makita. At sa kawalan nang makitang trabaho sa bansa, marami ang nagbabakasakaling mangibang bansa at magpaalila. Araw-araw libong Pinoys ang umaalis para magtrabaho sa Middle East. Maraming Pinay domestic helpers ang nagpapakasakit mapalayo sa pamilya para lamang kumita. Marami sa kanila ang nasa Hong Kong, Singapore, Kuwait, Saudi at Italy. Ilan sa kanila ang dumaranas ng pang-aabuso at may nakakapatay ng amo para maipagtanggol ang sarili. May nahahatulan ng kamatayan, na ang ilan ay hindi naman magawang sagipin ng gobyerno.
Nakadilat ang katotohanan na hindi natupad ni Mrs. Arroyo ang paglikha nang maraming trabaho. Sa lumipas na mga taon ng kanyang pamumuno, tanging ang mga trabahong pagwawalis sa kalye, pagtatanim ng mga halaman sa sidewalk, pamumulot ng basura, ang nagawa niya. Ano ang aasahan sa ganitong mga trabaho na hindi kayang buhayin ang sarili ng ibinibigay na suweldo?
Noong Huwebes, isang pangako na naman ang binitiwan ni Mrs. Arroyo at ito ay ang paglikha ng emergency work programs para sa mga mahihirap na kababayan. Kabilang din sa kanyang ipinangako ang pagbibigay ng suporta sa mga livelihood programs para naman sa mga nasa middle class. Ito raw ay para matulungang makaahon sa nangyayaring global financial crisis. Sa pamamagitan nito magkakaroon daw ng mga trabaho sa rehiyon.
Inatasan na ng Presidente ang kanyang Cabinet na iimplement ang bagong programa sa mahihirap.
Sana ay totoo na ito at hindi panaginip lamang.
- Latest
- Trending