MOA-AD dapat isama sa GMA impeachment
TAKOT na takot ang Malacañang sa poot ng taumbayan sa pagbibigay nito ng teritoryo sa mga separatistang Moro. Kaya pilit pinalalabas na walang kamuwang-muwang si Gloria Arroyo sa Memo of Agreement-Ancestral Domain. Pero alam ng madla na nanloloko lang ang Palasyo. Maari bang magplanong pumirma sina chief negotiator Rodolfo Garcia at presidential peace adviser Hermogenes Esperon, kapwa mga heneral, nang walang pahintulot ng Commander-in-Chief? Kapani-paniwala ba na hindi alam ni Arroyo ang planong pag-witness ni Foreign Sec. Alberto Romulo kasama ang Foreign Minister ng Malaysia sa pirmahan ng MOA-AD, kung saan imbitado si US Ambassador Kristie Kenney?
Nililinlang ng Malacañang ang madla dahil baka ipang-impeach ang MOA-AD kay Arroyo. Maaalalang lumipas na nu’ng Oktubre 10 ang isang taong limit sa huling paghabla kay Arroyo nu’ng 2007. Puwede na siyang kasuhan muli, kaya nga nagsampa ng impeachment case sina Joey de Venecia, Harry Roque, Leah Navarro, Josie Lichauco at iba pa. Maaalala rin na dineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang MOA-AD. Sa madaling salita, malakas na pangkaso ito kay Arroyo dahil culpable violation of the Constitution ang binalak niyang pagbigay ng teritoryo sa mga separatista.
Bakit malakas na kaso ito? Kasi, baka pumirma ang 50 kongresista ng Mindanao sa impeachment kung isama ang MOA-AD bilang kaso. Alam kasi ng mga kongresista, Muslim man o Kristiyano, na ayaw ito ng constituents nila. Kailangan nilang ipakita na kontra rin sila rito, kaya mapipilitan sila pumirma sa impeachment. Kung hindi, baka matalo sila sa susunod na eleksiyon — sa kasong pagkampi sa mga separatista.
Kailangan ng pirma ng one-third ng 240 kongresista para maipadala ang impeachment case diretso sa Senado upang litisin si Arroyo. Samakatuwid, 80 pirma. Meron nang 38 kasapi ang Oposisyong minorya. Kung sumali pa ang 50 kongresista mula Mindanao, 88 na sila. Impeached na si Arroyo. E lamang ang Oposisyon sa Senado. Laglag tiyak si Arroyo.
- Latest
- Trending