Good Samaritans
NAGTITIPON ngayon sa Bulacan State University ang mga dalubhasa ng Philippine Judicial Academy (PHILJA) upang magbalangkas ng kurikulum. Para ito sa pagsasanay ng mga hukom, abogado at court personnel sa paggamit ng wikang Filipino sa paglilitis. Tulad ng nauna nang panukala sa pagtatag ng Court of small claims, ang inisyatibong ito ng Mataas na Hukuman ay alinsunod sa misyong mailapit ang katarungan sa mahihirap.
Merong pumapalag sa ika nila’y pangangahas ng Hudikatura na panghimasukan ang teritoryo ng Kongreso at sa pagbalewala nito sa doktrina ng separation of powers at checks and balances. Subalit hindi maikakaila na malaking ginhawa ang mga hakbang na ito sa ating mga kababayang nangangailangan.
Nauna nang nilista ni Chief Justice Puno ang mga balakid sa paghabol ng hustisya: Ang kawalan ng kaalaman sa kanilang karapatan at kung papaano ito puproteksyunan; ang hindi makayanang halaga ng paglilitis; mga hindi siniseryosong legal assistance ng kanilang mga abogado; hindi mabilang na postponement at delay; kumplikadong patakaran, at iba pa.
Isa-isang minamarkahan sa listahang ito ang bawat proyektong pinapapatupad ni CJ Puno. Sa ilalim ng kanyang panunungkulan, ang dami nang naipapatupad na pagbabago sa pag-ibayo ng tulong sa mahihirap.
Kapuri-puri rin ang panukala mula naman sa Batasan tungkol sa pagbigay ng insentibo sa buwis sa mga abogadong nag-aalay ng pro bono o libreng serbisyo sa mahihirap. Akda ng isa pang GOOD SAMARITAN, si Bohol Rep. Edgar Chatto, ang H.B. 4910 ay magbibigay ng hanggang 10 percent tax deduction sa gross income ng abogado kung ito’y may hinahawakang pro-bono na kaso. Bagamat bawat abogado ay inaasahang magbibigay ng kanilang oras at serbisyo sa mga nangangailangan, iilan ang tumutupad dahil hindi naman nito napupunuan ang mawawalang kita galing sa kliyenteng nagbabayad – ika nga nila: PuRO ABONO. Malaki ang magagawa ng Chatto Bill na siguruhin na ang mga mahihirap ay mas mabibigyan ng epektibong representasyon sa korte.
Ayon kay CJ Puno, ang pinakamabigat na kalaban ay kung tayo’y susuko sa giyera laban sa kahirapan. Ang mga panukalang ito ng ating nagkapit-bisig na mambabatas at mahistrado ay magdudulot ng panibagong sigla sa patuloy nating pagpursigi.
REP. EDGAR CHATTO GRADE: 95
- Latest
- Trending