MARAMING dahilan kaya bumagsak ang ekonomiya ng United States. Isa sa dahilan ay ang pagkawala ng tiwala ng mga investor sa mga kompanyang pinaglagakan ng kanilang mga pera katulad ng mga banko, insurance companies at financial establishments. Natakot ang mga investor na baka malugi ang pinaghirapan nilang pera.
May mga Pinoy investor dito sa US na hindi malaman ngayon kung saan ilalagak ang kanilang pera. Takot silang magtago ng pera sa ilalim ng kanilang kama o cabinet at takot din namang magbakasakaling ilagay o i-invest sa anumang kompanya. Tagilid nga kasi ang negosyo dito sa US at nabankarote ang giant companies tulad ng AIG at Lehman Bros pati stock exchanges at mga banko tulad na Washington Mutual at Wells Fargo ay bumagsak.
Kung ako ang nasa kalagayan ng Pilipino-American investors, sa Pilipinas ko na lang dadalhin at ii-invest ang aking pera. Baka mas matatag pa ang mga kompanya at banko sa Pilipinas na paglalagakan ng pera. Dapat lang maisaayos nang husto ng gobyerno ng Pilipinas ang mga lehitimong kompanya na paglalagakan ng investors. Mahirap nang maloko ang mga investor kaya dapat maging kapani-paniwala at attractive ang business plan na ihahain sa kanila.
Maraming bansa ang apektado ng global financial crisis at kabilang dito ang Pilipinas. Nararapat ang mabilis na pagkilos ng pamahalaan ukol dito. Kahit alam kong matagal nang bagsak ang ekonomiya ng Pilipinas, naniniwala pa rin akong may pag-asa pang makaahon. At mangyayari lamang iyan kung magiging mahusay ang pamumuno sa bansa. Lipulin ang mga corrupt sa gobyerno para ganap na magtiwala ang mga investor. Malaki paniniwala ko na malaki ang magagawang tulong ng mga kababayang investor sa ekonomiya ng Pilipinas.