ANG aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ay nananawagan sa mga kapwa niya mambabatas na agad aprubahan ang panukalang mandatory productivity bonus para sa mga manggagawa sa private sektor.
Ang Senate Bill 1370 na iniakda ni Sen. Benigno Aquino III ay inisponsoran ni Jinggoy bilang chairman ng Committee on Labor, Employment and Human Resources Development sa ilalim ng Committee Report 105 noong Setyembre 30, 2008.
Si Jinggoy, pinuno rin ng joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment, ay naniniwalang malaki ang maitutulong ng hakbanging ito para mapataas ang productivity sa mga industriya sa bansa.
Madalas kasing nagkakaroon ng tunggalian ang mga manggagawa at employer o negosyante sa usapin ng suweldo at benepisyo. Ang ganitong sitwasyon ang isa sa mga pangunahing dahilan ng pagbaba ng productivity sa pagawaan.
Nakasaad sa Saligang Batas ang pagkilala sa karapatan ng mga empleyado para sa kanilang pag-unlad, gayundin ang karapatan naman ng mga negosyante para sa makatwirang kita ng kanilang puhunan. Napakaganda kung maayos ang relasyon ng empleyado at employer.
Sa ilalim ng panukala, ang mga negosyante ay maglalaan ng 10 porsiyento ng kanilang net profit before taxes upang ipamahagi sa mga empleyado bilang taunang productivity incentives anuman ang status of employment ng mga ito, basta’t nagtrabaho na sila ng hindi bababa sa isang buwan sa naturang kompanya.
May ilang grupo ng mga manggagawa na hindi kasali sa hakbangin tulad ng mga kawani ng government-owned and controlled corporations (GOCCs) na may original charter; ang mga managerial employee; kasambahay; non-resident aliens; empleyado ng retail service establishments na hindi hihigit sa lima ang kawani; at empleyado sa mga kompanyang nasa ilalim ng receivership o liquidation o kaya ay mga bagong bukas na business enterprise.
Ayon kay Jinggoy, ang hakbanging ito ay pagkilala sa kontribusyon ng mga empleyado sa paglago ng mga industriya, at pagsusulong din ng industrial harmony tungo sa lalo pang productivity ng kapwa manggagawa at negosyante sa bansa.