Paalam, PNP Integrated Transformation Program

HINDI na maikaila na talagang apektado na sa iskan­da­long kinasangkutan ni retired Police Director Eliseo dela Paz ang morale ng kapulisan lalo na ‘yung mga nasa ma­lalayong probinsya, maging dito man sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao na kung saan makikita ang mga kaawa-awang police stations na kulang sa kagamitan.

Low morale na nga ang mga mamang pulis dahil pag sila ang humihingi sa Camp Crame para sa kanilang ka­ila­ngan, parati silang sinasabihan na walang pondo, walang pera, etc. etc. Laging naaantala ang pagpalabas ng kinakailangang budget para sa operation ng kapulisan.

Ngunit ang masakit para sa kapulisan ay kung ang pag-usapan ay ang biyaheng abroad ng kanilang mga matataas na opisyal sa PNP, eh, umaapaw pa nga ang cash gaya ng P7 milyon na sobra sa dalang “contingency fund” ni Dela Paz sa isang trip sa Russia na umabot ng anim na araw lang. 

Umaalma na ang mga pulis na may mas mababang ranggo, lalo na rito sa Mindanao, na kung saan sila ay nagpapakahirap habang ang kanilang tinitingalang matataas na opisyal ay nagpakasasa sa sarap ng limpak limpak na “contingency fund” gaya ng dala ni Dela Paz at kanyang maybahay sa Moscow.

Ngayon, Gen. Jesus Versoza, bilang PNP chief, paano mo maipaliwanag sa libu-libong kapulisan ang sinasabi mong Integrated Transformation Program (ITP) kung saan nagkaroon pa nga kayo nitong mga nakaraang buwan ng “PNP Torch Run: Toward Genuine Transformation”? Pinangunahan mo pa nga ang torch run ninyo na umikot mula Batanes hanggang Tawi-Tawi upang iparating sa kapulisan ang mensahe ng pagbabago.

Ngunit paano mapapasunod ang mga miyembro ng police force sa moral reform programs ng PNP kung ang nakikita nila sa kanilang nakakataas na mga opisyales ay puro kabulukan? Nawawasak na ang pag-asa na magkaroon pa ng tunay na pagbabago sa PNP dahil ang mga taong inaasahang mangunguna sa landas tungo sa pagbabago ay sila naman ang sugapa sa hindi kanais-nais na gawain.

Kailangang harapin ni Versoza ang katotohanan na mahirap nang ipatupad ang ITP. Paalam, ITP!

General Versoza, hindi rin maintindihan ng mga ordinaryong mamang pulis kung bakit sinabi mo umano na ang asawa mo ang naging kinatawan mo sa nasabing Interpol conference. Kailan ba raw naging representative ng PNP chief bilang organisasyon ang kanyang asawa?

Nagtatanong din ang maraming pulis kung magkano ba talaga ang dala-dalang pera ni Dela Paz. Yung P7 million ay nahuli lamang ng Russian authorities nang sila ay palabas na ng Moscow. Tiyak daw na mas malaki pa ang dala ni Dela Paz nung sila ay dumating sa Russia. Magkano na ba raw talaga ang nagastos?

Hindi rin maintindihan ng mababang ranggong pulis kung bakit pinadala pa si Dela Paz sa Russia gayong siya ay nagretiro sa ikalawang araw ng conference. Bakit pa raw ginastusan nang pagkalaki-laki si Dela Paz sa biyaheng iyon gayong wala naman siyang silbi sa PNP dahil retired na nga siya?

General Versoza, aminin mong bukol sa iyong administrasyon ang kapalpakan ni Dela Paz. You cannot pass the buck to your predecessor na si retired PNP chief Avelino Razon Jr.

Sinasabing si Razon ang nagbigay ng approval ng biyahe na iyon ni Dela Paz at ng kanyang asawa sa Moscow. Ngunit, responsibilidad ni Versoza na tingnan kung sinu-sino ang kasama sa delegation at suriin ang pinadalang contingency fund kung ito ba ay labag sa batas o hindi.

Kabigha-bighaning baon

Ngunit may mas malaki pang iskandalo umano sa delegasyon ng Pilipinas sa nasabing Interpol Conference sa Moscow na kung saan hindi lang naman PNP ang nandun. May mga representante rin ang ibang kinauukulang ahensiya.

Kaya raw talagang masyadong maingat ang isa ring delegado natin sa Interpol conference dahil pag nagkataon na magkaroon ng isang full-blown investigation kay Dela Paz, tiyak na maungkat din kung sinu-sino pa ang pumuntang Moscow.

At kung malalaman ang mga sumama, tiyak na maungkat din ang kabigha-bighaning baon na naging usap-usapan ng buong Philippine delegation sa Russia. Talagang napa-WOW sila!

Show comments