ANG Bureau of Custong mismo ang nagpresenta ng sarili nilang kapalpakan para maipakita na pursigido silang habulin ang mga may mababang kalidad na produkto at contaminated na pagkain, he-he-he!
Kung ang mga kalakal na inilalabas sa bakuran ng Bureau of Custong ay sinuri muna nilang mabuti tiyak na hindi na sila gagamit pa ng puwersa. Nahihin takutan tuloy ang mga mamimili na makitang armado ang mga ahente ng pamahalaan. Akala nila tuloy ay giyera na.
Katulad na lamang noong nakaraang araw nang salakayin nina BoC Commissioner Napoleon Morales at matataas niyang opisyales ang Divisoria at 168 Mall sa Binondo, Manila at kinumpiska ang mga walang kalidad na produkto.
Aba, ang akala siguro ni Morales ay pogi na siya sa madlang people habang kinukober ng mga mamamahayag. Nagkakamali siya. Marami ang nasuka nang marinig ang kanyang paliwanag, he-he-he! Sampal ito sa kanyang mukha dahil sa kapalpakan ng kanyang pamumuno sa BoC. Di ba mga suki?
Taas noo pa si Morales nang sabihin sa milyun-milyong mamamayan na kaya umano nakalalabas ang mga smuggled goods sa kanilang bakuran ay dahil kulang sila sa tauhan. Commissioner Morales, pag-isipan mong mabuti ang binibitiwang salita.
Kung walang kutsabahan ang mga smuggler at ang iyong ahensya tiyak na hindi ito kakalat sa pamilihan. Huwag mong sisihin ang sambayanang Pinoy na kulang ka sa mga tauhan na magsusuri sa lahat ng mga dumarating na kargamento. Responsibilidad mo iyan at mga alipores mo na idaan muna sa masusing pagsusuri ang lahat ng mga dumarating na container van bago ito payagang mailabas.
Kung walang lagayan na nangyayari sa iyong tanggapan tiyak na ma kakasiguro ang sambayanan na ligtas ang lahat ng mga kalakal na ibini benta sa mga pamilihan. Di ba Sir? At upang matigil na ang pamamayagpag ng mga smuggler, idaan ninyo ang lahat ng mga container sa x-ray machine upang makita ang laman nito.
Kasi naman mga suki, maliliit at legal na brokers lamang ang ipinadadaan sa mga x-ray machine at yung mga galanteng smuggler ay exempted na. Abot langit na ang paghihirap ng mga maliliit na broker sa pagproseso ng kanilang kargamento bago mailabas sa bakuran ng Custong.
Malaking halaga rin ang nawawala sa kaban ng bayan sa kutsabahan ng mga examiner ng BoC at mga smuggler at iyan ay nasisiguro ko na di-abot ni Morales, dahil kampante lamang siya sa pagtulog sa kanyang malamig na opisina, he-he-he! Commissioner Morales, dapat sa’yo mag-exercise palagi at baka ka ma-high blood.
Salakayin mo ang lahat ng tanggapan ng iyong examiners para makita kung paano nila minamaniobra, he-he-he! Ayon kasi sa mga broker na aking nakausap, pera-pera transaksyon na ang pinaiiral sa mga examiner mo sa kasaluku-yan kaya nagbubulag-bulagan na lamang ang mga ito sa mga ilegalista at ang kanilang pinag-iinitan ay mga maliliit na broker na walang kakayahang magbigay ng atik.
May katwiran ang mga broker na aking kausap dahil karamihan sa mga may mga posisyon sa Bureau of Custong ngayon ay mga milyonaryo na. Ang mga dati’y isang kahig-isang tuka ay nakatira na sa mga esklusibong subdibisyon. Isang damukal na rin ang kanilang mga alalay sa takot na baka malusutan sila ng mga galit na maliliit na broker.
At habang patuloy silang yumayaman sa pangungurakot, maraming Pinoy naman ang nagugutom.
Abangan ang karugtong.