SA isang tunay na demokrasya, ang poder ng Presidente ay nanggagaling sa tunay na boto ng mga mamamayan. Hindi ito nagmumula sa pandaraya o di kaya sa panlilinlang. Sa isang tunay na demokrasya, ang isang Presidente ay naaalisan lamang ng poder sa pamamagitan ng impeachment o di kaya kung siya ay magbitiw sa puwesto.
Walang duda sa mga tao na si Erap ay tunay na nahalal noong siya ay nabigyan ng poder bilang Presidente. Ganoon pa man, siya ay naalisan ng poder kahit siya ay hindi na-impeach, at hindi rin siya nagbitiw sa puwesto.
Ayon sa pangkat ni Mrs. Gloria Arroyo, para na ring nag-resign si Erap, dahil umalis daw siya sa Palasyo. Sapat na nga kayang dahilan ito upang sabihin na nag-resign na siya noon?
Ayon sa ating batas, ang isang tao ay maaring ituring na nag-resign kung siya mismo ang nagbitiw sa puwesto, o di kaya, siya mismo ang nag-submit ng resignation letter. Ayon sa pangkat ni Mrs. Arroyo, nag-resign daw si Erap, dahil sinabi sa diyaryo. Malinaw na ang ulat sa diyaryo ay hindi maaring maging kapalit ng isang tunay na resignation letter.
Ngayon na palapit na ang 2010 election, marami ang umaasa na tatakbo ulit si Erap, at kung tatakbo nga siya, marami ang nagsasabi na mananalo ulit siya. Ano na naman kaya ang gagawin ng pangkat ni Mrs. Arroyo upang mabastos ulit ang boto ng mga tao?
Si Erap ay naging biktima ng baluktot na hustisya dahil nakulong siya kahit hindi napatunayan ang kanyang kasalanan. Kung sakali ngang manalo ulit siya, sa tingin ko ito ay magiging isang paraan upang makamit niya ng tunay na hustisya na maaring manggagaling lamang sa mga tao.
Sino nga ba ang dapat masunod sa bayan na ito? Ang mga tao ba o ang isang pangkat ng mga manlilinlang na walang mandando ng tao?
Sana mabuhay ulit ang demokrasya sa darating na election.