NAGSAMPA ng kaso ang SHC sa korte para mapawalang-bisa ang naging bentahan ng lupa, mabawi ito at makakuha ng danyos laban sa IAC dahil sa ginawang pagbebenta ng bise-presidente na hindi naman aprubado ng board ng IAC.
Dahil nabenta na ng IAC ang lupa sa isang banko, ang DBR na nagbenta naman nito sa IFRC na nagbenta rin sa HRDC, lahat ng kompanya ay isinangkot sa kaso pati na rin ang Register of Deeds. Ang ginawa ng HRDC ay magsumite ng mosyon upang maisantabi ang kaso. Ayon sa HRDC, malinaw na nakasulat sa mga titulo na parte ng kaso na ang bise presidente ay awtorisadong magbenta ng lupa ng kompanya. Ang kasulatan ng bentahan ay notaryado rin at may resibo na nagpapatunay kung magkano ang ibinayad sa lupa. Ayon nga raw sa reklamo, walang karapatan ang SHC sa kaso dahil ibinenta na rin nito ang lupa sa IAC.
Ipinilit naman ng SHC na may karapatan itong magsampa ng kaso kahit hindi nito tuwirang itinanggi ang paratang ng IAC. Sa lahat ng sangkot sa kaso, tanging IFRC lang ang nagsumite ng sagot.
Noong Hulyo 3, 2002, isinantabi ng korte ang kaso. Ayon din sa korte, hindi tamang bawiin ng SHC ang lupa dahil maayos naman itong nilipat sa mga bumili at binayaran ito sa tamang halaga. Nang inapela, kinampihan ng CA at ng SC ang naging desisyon ng korte. Naging pinal ang desisyon matapos tanggihan ng Korte Suprema ang rekonsiderasyon na hiningi ng SHC.
Hindi pa rin tumigil ang SHC. Nagsampa ito ng petisyon sa CA upang mapawalang-bisa ang desisyon ng korte noong Hulyo 3, 2002 dahil inabuso raw nito ang kapangyarihan nito nang isantabi ng korte ang kaso hindi lamang sa HRDC kundi pati na rin sa lahat ng kompanyang sangkot sa kaso. Paglabag daw ito sa karapatan ng SHC. Tama ba ang kompanya?
MALI. Malinaw na tinunton ng SHC kung sino ang unang pinaglipatan ng lupa hanggang sa kahuli-hulihang may-ari. Ang titulong nirereklamo ng kompanya ay hawak na ngayon ng HRDC. Hindi talaga kailangang isama sa demanda ang lahat ng pinagbentahan ng lupa. Kung tutuusin, hindi na talaga sangkot sa kaso ang iba. Ang talagang sangkot na lang sa kaso ay ang SHC at ang HRDC. Ang dalawang kompanya na lang ang maaapektuhan sa magiging desisyon ng korte.
Isa pa, nag-apela na at natalo sa apela ang SHC. Hindi na ito maaaring magsampa ng petisyon para ipawalang-bisa ang desisyon ng korte. Hindi maaaring gamitin ang petisyon upang paikutin at paglaruan ang desisyon ng korte na matagal na talagang tapos. Hindi rin ito maaari sa ganitong sitwasyon kung saan lahat ng remedyong ibinibigay sa batas ay nagamit na. Walang dapat sisihin kung sakali at natalo man ang kompanya dahil sa sarili nitong kapabayaan at kasalanan.
Importante ang hustisya pero sa oras na magkaroon na ng pinal na desisyon sa kaso, hindi maaaring ipagkait ang tagumpay sa nanalo. Ang mga korte ay dapat magbantay sa ganitong pakana. Nararapat lamang na magkaroon na ng katapusan ang isang kaso. (Sigma Homebuilding Corp. vs. Inter-Alia Management Corp. et. Al., G.R. 177898, August 13, 2008).