EDITORYAL - Mabagal umusad ang batas sa Pinas
NAKAIINGGIT ang mga bansang mabilis lumitis at maggawad ng hatol sa mga taong gumagawa ng kamalian. Madaling naisisilbi ang hustisya sa mga biktima at nabibigyan ng katahimikan ang kanilang kalooban. Dito sa Pilipinas, napakabagal umusad ng batas at inaabot ng taon bago madesisyunan ang mga kaso. Ang nakatatawa pa, mas matagal pa ang hinintay na panahon kaysa sa hatol na pagsisilbihan sa bilangguan. Yung iba ay hukluban na bago pa maibaba ang hatol ng hukuman.
Isang magandang halimbawa ng kabagalan ng pagpapatupad ng batas sa Pilipinas ay ang kaso ng isang opisyal ng National Housing Authority (NHA) na naakusahan ng graft noong 1987. Mantakin namang 21 taon ang lumipas bago naisilbi ang sentensiya kay Jesse Kayanan, dating manager ng NHA na nag-authorized bayaran ng P388,200 na illegal commission ang supposed broker at saka ibinulsa ang malaking bahagi ng pera. Dahil sa kasalanan ni Kayanan, inatasan siya ng Sandiganbayan na bayaran ang P388,000 at bukod doon ay makukulong siya ng 6 hanggang 10 taon. Ang mga kasamahan ni Kayanan ay napawalang-sala sa kaso.
Sa bagal ng pag-usad ng hustisya sa bansa, hukluban na ang akusado bago madala sa bilangguan. Paano pa niya mapapagsilbihan ang sentensiya? Baka kaunting panahon na lamang ang ilagi niya sa bilangguan at mamatay na.
Kung ang mga kasong gaya ng graft and corruption ay mabagal madesisyunan ng hukuman, paano pa ang mga mabibigat na kaso gaya ng pagpatay? Baka hindi lamang 21 taon ang hintayin bago madesisyunan ang kaso. Kawawa naman ang biktima kung ganyan katagal ang ipaghihintay bago makamit ang hustisya.
Isa sa mga dahilan kung bakit mabagal madesisyunan ang mga kaso ay dahil umano sa kakulangan ng mga judges sa bansa. Kaya ang solusyon ng Supreme Court ay ang “justice on wheels” kung saan ay mabilisan nilang dinidinig ang mga kaso ng nakakulong particular sa mga city jail. Nagsisiksikan sa city jail ang mga bilanggo na matagal nang naghihintay ng desisyon sa kanilang kaso.
Hindi lamang mga bilanggo ang umaasam sa mabilis na desisyon kundi pati na rin ang mga kaanak ng biktima. Dinggin na sila.
- Latest
- Trending