KUMUPAS na ang kulay ni Usec. Antonio “Bebot” Villar ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG). Ayon sa mga nakausap kong broker sa South Harbor, sa una lang mabagsik si Villar.
Nang maupo si Villar sa PASG, nangabahag ang buntot ng mga smuggler sa loob at labas ng mga pier dahil wala itong sinisino. Kaya maraming pansamantalang tumigil sa illegal na aktibidades sa pier.
Subalit habang tumatagal si Villar sa puwesto, unti-unting nagbabalikan ang smugglers sa pier. Alam ba ninyo kung bakit? Pasok na sa bitag ni Villar ang mga smuggler.
Ang ibig kong sabihin kaya nilang tapalan ng datung ang mga mata ni Villar kaya lumamya ang paghalibas.
Datung lang pala ang katapat ng katapatan niya kay President Arroyo kaya nang makasilip ng pagkakataon na kumita sa mga smuggler, naging bulag na.
Katulad na lamang ng ipinagtapat sa akin ng ilang legalistang broker na labis na pinahihirapan ng grupo ni Villar sa kanilang kargamento. Talamak na umano ang smuggling sa buong bansa dahil tila pasok na ito sa tanggapan ni Villar. Si Jojo Rodriguez umano ang mata ni Villar sa loob at labas ng pier. Ito umano ang gumagalugad sa mga dumarating na container ng smuggler at oras na makasilip ng kargamentong may sabit agad itatawag kay Jun Kalabaw.
Si Jun Kalabaw naman ang kakausap sa mga smuggler na importer at ang panakot nito ay ang tanggapan ni Villar kaya sa kalaunan ay nauuwi ito sa pera transaksyon. Tinatarahan umano ni Jun Kalabaw nang mula P5,000 hanggang P40,000 ang bawat container na ipapasok ng smuggler. At oras na magbigay ang smuggler kay Jun Kalabaw ng halagang hinihingi nito ay wala nang PASG na haharang sa kanilang landas.
Matindi umano ang tandem nina Jojo at Jun Kalabaw kaya limpak-limpak ang datung na ipinararating nila kay Villar. Ito palang si Jojo ay dating masugid na alipores ni dating President Joseph Estrada kaya nang nakakulong pa ito sa Tanay ay siya ang tagahakot ng mga mahihirap na magrarali laban kay Arroyo.
At dahil nakalaya na si Erap, naisipan nitong pumanig kay Villar para kumita ng salapi sa pamamagitan ng pag-espiya sa loob at labas ng pier. Kaya ngayon, limpak-limpak na rin ang naisisilid sa kanyang bulsa. Mukhang nasaid na ni Jojo ang datung ni Erap kaya luminya sa pag-eespiya sa Customs.
Sa ngayon, abot langit na ang ngiti ni Villar dahil milyones na ang pumapasok sa kanyang alkansiya. Ang naiwang tulala ay ang mamamayang humahanga sa kanya nun.
Madam President, hambalusin mo si Villar para bumalik ang pagtitiwala ng nagugutom na mamamayan. Ipaaresto mo sina Jojo Rodriguez at Jun Kalabaw para matigil ang kanilang pamamayagpag.