NAGING mainit ang ikalawang pagdedebate nina John McCain ng Republican Party at Barack Obama ng Democratic Party. Lumabas sa survey na mas magaling si Obama sa pagpapaliwanag ng kanyang pinaplanong gawin kapag nahalal na siya bilang presidente ng US.
Marami ang nakagusto sa plano ni Obama pagdating sa ekonomiya partikular sa kasalukuyang problema ng pagbagsak ng financial system hindi lamang sa US kundi sa buong mundo. problema sa Iraq at Middle East, foreign affairs, security at internal affairs, abortion, education, youth at iba pa. Maliwanag at desidido raw ang gustong maging aksyon ni Obama at hindi katulad ng plano ni McCain na may kalabuan para sa mga botante.
Pakiramdam ko pinagtatakpan ni McCain ang mga ginawa ni President Bush dahil magkapartido ang dalawa. Palagay ko, may kinalaman si McCain sa mga naging aksyon ni Bush.
Sa debate naman ng dalawang vice presidential candidates na sina Joe Biden at Sarah Palin, lamang din sa survey ang kapartner ni Obama. Mas malawak kasi ang karanasan nito at maganda ang programa. Sabog-sabog naman ang pagpapaliwanag ni Sarah.
Sa November 4 na ang election at kung idaraos ngayon, tiyak kong panalo na si Obama at Biden. Apektado kasi si McCain ng hindi magandang administrasyon ni President Bush at kasalukuyang pagbagsak ng US economy. Nadagdag pa ang sobrang pang-iinsulto niya kay Obama na hindi kinagusto ng mga nakapanood ng debate. Subalit malay din natin, baka makabawi pa si McCain sa mga susunod na linggo.