ANGKOP kay Raul Gonzalez ang bansag na Secretary of Injustice. Imbis na panindigan niya ang katarungan bilang justice secretary, niyuyurakan niya. Halimbawa nito ang halos 200 kaso ng kidnapping at murder ng mga militante, peryodista at huwes na hindi man lang niya inaasikaso. Tapos, sa angal ng pamilya Hultman sa pagpapalaya kay milyonaryong Claudio Teehankee Jr, na pumatay sa 16-edad na Maureen nu’ng 1994, kapalaluhan at kamanhidan ang sagot niya.
Umapela kayo kay Hesukristo, tinuya ni Gonzalez ang Hultmans. Ito ang kanyang paraan ng pagdiin sa kapangyarihan ni Gloria Arroyo sa Konstitusyon na magpalaya ng convict. Oo nga’t poder ‘yon ng Presidente, pero hindi ibig sabihin ay magpapalaya na siya nang labag sa proseso.
Kung papatulan ang hamon ni Gonzalez, isusumpa siyang masunog sa Impiyerno nang kawalang-hanggan. O kaya igagaba na sa kaanak niya mangyari ang sinapit ni Maureen, para labis na magdalamhati rin siya tulad ng pamilya Hultman. Pero kasalanan ang mag-isip ng gan’un.
Iisa ang iginigiit nina Gonzalez at Executive Sec. Ed Ermita. Kesyo raw pumirma ang Hultmans nu’ng 1998 ng kasunduan na hindi sila tutol kung sakaling humingi ng executive clemency si Teehankee na bumaril sa mukha ni Maureen. Oo, pumirma nga sila, pero pro forma ‘yon. Dapat pa rin dumaan sa wastong proseso ang pagpapalaya. Dapat magpakita ang convict ng pagsisisi sa pamamagitan ng paghingi ng tawad sa biktima o pamilya, at pagbayad ng itinakdang multa ng korte. Dapat din sabihan ang biktima o pamilya, at prosecutor na nagpa-convict, na palalayain na ang preso. ‘Yun ang iniaangal ng Hultmans at ni Chief Special Prosecutor Dennis Villa-Ignacio: hindi man lamang sila inabisuhan.
Maaalalang papaspasan din sana nung 2007 ang pagpapalaya kay Rolito Go, na pumatay kay Eldon Maguan. Napigilan ito nang ibunyag ko na hindi pa binabayaran at nagso-sorry sa Maguan family, at nag-abiso kay Villa-Ignacio rin.
Heto’t sumasabat pa si Speaker Nograles kontra sa Hultmans. Bakit?