MARAMING negatibong reaksyon ang taumbayan sa pahayag ni Justice Secretary Raul Gonzalez na ang mag-asawang Anders at Vivian Hultman ay “ipokrito” at “may amnesia”. Ito nama’y batay sa mga reaksyong naririnig ko sa mga kaibigan at usap-usapan ng mga mamamayan tungkol sa kontro bersyal na pagpapalaya kay Claudio Teehankee, Jr.na pumatay kay Maureen na anak ng mag-asawang Hultman noong 1991.
Tinawag ng DOJ Sec ang mag-asawa na mayroon daw “amnesia” dahil ayaw amining pumayag sila nang konsultahin ng gobyerno kaugnay ng pagpapalaya sa killer ng kanilang anak.
Constructive criticism lang ang sa atin dahil kaibigan natin si Justice Sec.
Ngayon nga’y malaya na si Teehankee Jr. na labis na ikinasasama ng loob ng pamilya ni Maureen at kinokondena ng mga anti-crime crusaders. Maaaring diskresyon nga o karapatan ng Pangulo ang magpalaya ng bilanggo pero ang pinupunto natin ay ang maanghang na salita ni Justice Sec. na sa tingin ko’y parang hinihiluran ng asin ang isang mahapdi nang sugat.
Sabi ng isa kong kapitbahay habang kami’y nagkukuwentuhan: “Manhid at walang damdamin iyang si Gonzalez.” Kung tutuusin, ibig nang makalimot ng pamilya ni Maureen sa malagim na insidente kaya minabuting sa ibang bansa na manirahan. Kahit siguro si Sec. Gonzalez ang lumagay sa kanilang katayuan ay maghihinanakit din siya.
Palaisipan pa rin kung ano ang dahilan ng pagwawala at pamamaril sa Dasma Village sa Makati ni Teehankee Jr. Bukod kay Maureen na noo’y 16-anyos pa lang at may magandang kinabukasang hinaharap, napaslang din ang mga kaibigan niyang sina Roland Chapman at Jussei Olavi Leino.
Para sa akin, tanggap ko na ang karakter ni Gonzalez. Kumbaga’y male version siya ni Sen. Mirian Santiago. Pero negatibo naman ang nagiging impresyon sa kanya ng tao. Magugunita na nagsalita siya na parang pinapaboran pa ang American rapist na humalay sa isang Pilipino sa Olongapo.
Pinarunggitan din niya ang napaslang na American Peace Corps volunteer na si Julia Campbel na siya pang may kasalanan sa pagkapaslang nito dahil hindi dapat naglakad nang nag-iisa.
Tanong ng barbero kong si Mang Gustin: “Bakit kaya malakas si Gonzalez kay President Gloria?”