Ilegal na pasugalan, isarado mo Verzosa!
PANIS at walang kamandag ang laway ni PNP chief Dir. Gen. Jesus Verzosa sa mga pasugalan sa bansa. Ito ang bukambibig ng dismayadong mamamayan na kumukontra sa mga pasugalan.
Kung seryoso si Verzosa na puksain ang sugalan, wala na dapat maririnig na umaangal sa mga kapitalista ng sugalan. Ang dapat sa kanila, isaradong tuluyan para wala nang magrereklamo, di ba Gen. Verzosa?
Kung walang pasugalan sa bansa tiyak na mawawala rin ang akusasyon ng mga ilegalista sa sobrang pagtaas ng tara ng mga kolektor. Katulad na lamang sa usapin na ang bagong upong hepe ng Criminal Investigation and Detection Group- National Capital Region Police Office (CIDG-NCRPO) na si Sr. Supt. Isagani Nerez ang ginagasgas ng kanyang kolektor sa pagtaas ng tara.
Si SPO4 Arnel Cruz umano ang nanalo sa pa-bidding upang makopo ang lingguhang intelihensya, he-he-he! Tiyak aapaw ang bulsa ni Nerez sa mga darating na araw.
At habang tumatabo si Cruz sa gambling operators tiyak babaho na naman ang PNP at ang tatamaan ay si Verzosa. Kung nabusog si Nerez ng lingguhang intelihensiya ng jueteng ni Fernando Alimagno alyas Boy Bata sa Pangasinan, ganu’n din ‘ata ang gusto niya sa Metro Manila.
Matibay umano si Nerez sa liderato ni Verzosa dahil magkasanggang-dikit. Ang panghaharabas kaya sa mga pasugalan ng mga bataan ni Nerez ay kasama sa transformation program ni Verzosa? Iyan ang dapat mong sagutin Gen. Verzosa!
Isa umano sa nasaktan sa transformation program ni Verzosa ay ang gambling lord na si Leleng. Si Leleng ay “tres” ang lakad noon subalit luminya sa beerhouse at sa ngayon, pati sugal-lupa pinasok na rin matapos lisanin nina Len Aguado at Don Roman ang Muntinlupa City.
Mautak si Leleng dahil para makamenos siya sa intelihensiya, ang ginamit niyang front ay ang dating pulis na si Romy Tibay at si PO3 Melchor Cornia na mga dating kolektor. Subalit abot din ni Cruz ang kalakaran nina Tibay at Cornia kaya’t napasadahan ang puwesto nila sa likod ng sabungan sa Muntinlupa. Ayon sa Manila’s Finest na nakausap ko, itinatawid nina Tibay at Cornia ang kubransa nila sa lotteng sa Muntinlupa sa Vito Cruz, kung saan me bahay si Leleng. Totoo kayang ang pulis na alyas Echo ang nasa likod ng operation ni Leleng?
Kung ang grupo ni Le leng ay napahirapan ni Cruz, marami pa sa Metro Manila ang aangal sa susunod na mga araw. Kung sa Pa ngasinan sinuwerte si Nerez, dito sa Metro Manila ganundin ang magiging buwenas niya dahil sa taas ng intelihensiyang ini-utos niya kay Cruz.
Maaaring maraming programa si Verzosa para mabago ang imahe ng PNP, subalit masisira lang ito dahil sa gahaman niyang mga tauhan.
- Latest
- Trending