EDITORYAL - Anong klaseng jail meron sa Crame?
MARAMI nang nakatakas na preso sa bilangguang nasa pamamahay ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame. At maitatanong kung anong klaseng kulungan meron ang Crame ganun at anong klase rin ang guwardiya.
Dapat nang mag-isip ng paraan ang bagong hepe ng PNP kung paano mapipigil ang pagpuga sa Crame jail. Malaking kapintasan sa PNP at karagdagang dungis ang nangyayaring pagtakas. Mas maganda kung papatawan nang mabigat na parusa ang mga guard na matatakasan ng preso para mag karoon ng aral. Ikulong sila at sibakin. Hindi sila nararapat maging guwardiya sa jail na kinaroroonan ng mga taong “uhaw sa dugo” ng kanilang kapwa — ang mga terorista.
Ang bilangguan sa Crame ay laging nasa kontrobersiya. Paano’y marami nang kriminal, drug lord at terorista ang nakatakas sa nasabing detention. At sa kabila na marami nang nakatakas, wala pa rin namang ginagawang hakbang ang pamunuan ng PNP para mabigyan nang mabigat na parusa ang mga jailguard na natatakasan. Ang nararapat na gawin ng PNP, ikulong ang mga jailguard na matatakasan ng preso.
Nakatakas sa Camp Crame ang suspect sa Batasan Complex bombing noong November 2007 na ikinamatay ni Basilan Rep. Wahab Akbar at tatlong iba pa. Sumuko rin naman noong Martes ang bombing suspect na si Ikram Indama. Ayon sa pulisya, ang dahilan kaya tumakas si Indama ay dahil gusto niyang makulong na kasama ang iba pang bombing suspects sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Ilang taon na ang nakararaan, dalawang drug lords ang nakatakas sa Camp Crame jail makaraang lagariin ang rehas na bakal. Paano naipasok ang lagaring bakal. Tiyak na nagkabayaran.
Noong June 2002, ang Pentagon kidnap gang leader na si Faisal Marohombsar at dalawang iba pa ay nakatakas din sa Camp Crame. Nang sumunod na taon, tumakas din ang Jemaah Islamiyah bomb maker na Fathur Rohman Al-Ghozi at dalawang Abu Sayyaf leader.
Malaki ang aming paniwala na marami pang bilanggo sa Crame jail ang makatatakas hangga’t hindi nagkakaroon ng mahusay na sistema at pa-mamalakad sa nabanggit na bilangguan. Hindi na dapat maulit ang pagtakas na katulad ng ginawa ni Indaman. Kamay na asero ang ibigwas sa mga pabayang guwardiya.
- Latest
- Trending