Ang problema sa PR
KAHIT sa kolum na ito gumagamit tayo ng mga press release para mailahad ang panig ng mga tao o sektor na napipintasan natin. That’s the spirit of fair journalism.
Kahit ginagawa natin ito, wala tayong kinikilingan sa mga isyung kinasasangkutan ng sino mang tao. Kamakailan, may nailabas tayong balita kaugnay ng hamon ni Sen. Chiz Escudero sa pamunuan ng GSIS na patunayang buo pa ang halagang $1 bilyon na ipinuhunan sa Global Investment Program (GIP) na baka “nalusaw” dahil sa US financial crisis.
Nagbigay ng panig ang GSIS na tinalakay natin sa kolum na ito noong Huwebes. Sinasabing hindi totoong nalugi kundi kumita pa ng P1.250 bilyon ang puhunan nitong $600 milyon.
Pero ang nakakainis, the same PR material ang inilathala rin ng kasamahan nating kolumnistang si Butch Quejada on the same day at issue ng PSNGAYON. Wala ring kamalay-malay si Butch na binigyan ako ng kaparehong press release. Mabuti na lang at ibang-iba ang pagkakasulat ko bagamat may direct quotations ako mula sa press release na ipinadala for accuracy na saktong-saktong lumabas din sa kolum ni Butch.
Teka, teka, hindi maganda ito. Hindi kami propaganda arm ng GSIS. Welcome sa amin na sagutin ang lahat ng isyung nalalathala sa pahayagang ito. Pero kung may redundancy o pagkapareho ang mga artikulong lumalabas sa diyaryo namin, pangit na impresyon ang nililikha nito. At hindi kami papayag na mawalan ng kredibilidad. Payong kapatid lang sa mga PR operators, ang tunay na nawalan ng kredibilidad ay ang kliyente ninyo sa ganyang sistema sa hangarin ninyong magkaroon ng wider publicity.
Kung papansinin ninyo, ang mga column feeds na ipinadadala sa akin ay hindi ko inaaring opinyon ko. Lagi akong may attribution kung gamitin ko man ang mga ito. My opinions and convictions are mine alone and cannot be bought.
Walang masama sa PR. Legal na negosyo iyan, alam ko. Pero sana naman, yung mga operators ay maging mas responsable at huwag sirain ang reputasyon ng alin mang pahayagang ginagamit ninyo. Huwag sunugin ang inyong mga tulay.
Inuulit ko, kung gumagamit man kami ng PR materials ay para mai-pri sinta ang kabilang panig ng isyu na tinatalakay namin sa mga balita o kolum ng diyaryong ito. Ayaw naming maging one-sided. Inihahayag namin ang lahat ng panig sa ano mang isyu at taumbayan ang huhusga kung sino ang mali o tama.
- Latest
- Trending