EDITORYAL - Paano ang mga walang kayang bilanggo?
DITO sa Pilipinas, malaki ang pagkakaiba kapag nabilanggo ang dukha kaysa maykaya sa buhay. Kapag nabilanggo ang dukha, mararanasan niya talaga ang totoong kulungan — masikip, walang bentilasyon, walang maayos na higaan, walang tubig at ang pagkain ay masahol pa sa pagkain ng baboy. Kapag maykaya o mayaman ang nabilanggo, para siyang hindi bilanggo sapagkat ang kanyang kulungan ay hindi masasabing kulungan. Kumpleto sa kasang kapan ang kanyang kulungan, mayroon kama, electric fan, kalan, refrigerator, mesa, silya, at iba pang gamit na walang ipinagkaiba noong nasa laya pa siya.
At ang mas matinding pagkakaiba, ng bilanggong dukha sa maykaya ay ang pamamaraan sa pag-commute sa kanilang mga sentensiya. Mas madaling maaprubahan ang pag-commute ng sentensiya kapag maykaya o maimpluwensiya. Karaniwan na lamang ang ganitong kalakaran kapag maykaya ang bilanggo. Ang dukhang bilanggo kahit nakapagsilbi na nang maraming taon at tumanda na sa kulungan ay hindi pa rin mabigyan ng pardon o parole o kaya’y mapababa ang kanyang sentensiya. Kahit na nga nagpakita na siya ng magandang asal at malaki na ang ipinagbago. Mas madaling nakikita ang kalagayan ng maykayang bilanggo kaysa dukha. Kaya hindi na nakapagtataka kung may mga matatandang bilanggo na nilulubugan na ng araw sa kulungan. Mayroong hindi na umaasa na mapapagkalooban sila ng kapatawaran.
Ang pagkakaloob ni President Arroyo ng commutation of sentence sa murder convict na si Claudio Teehankee Jr, ay isang magandang halimbawa na malaki nga ang pagkakaiba ng mayamang bilanggo kaysa mahirap. Si Teehankee na anak ng yumaong
Supreme Chief Justice Claudio Teehankee ay pinalaya na makaraang I-commute ni President Arroyo ang sentensiya. Dalawang habambuhay ang hatol kay Teehankee dahil sa pagpatay sa dalawang teenager noong 1991. Ayon sa Department of Justice, karapatan ng Presidente na mag-commute ng sentensiya at sa kaso ni Teehankee napagdusahan na raw nito ang kasalanan sa bilangguan.
Ang pagpapalaya kay Teehankee ay nagdudulot ng agam-agam na maaaring may mga maykaya pang bilanggo na makalaya rin kapag idinulog sa Presidente. Nababanggit na ang murder convict na si Rolito Go, child rapist Romeo Jalosjos at iba pang maykaya at maimpluwensiyang nasa pambansang piitan.
Paano naman ang mga walang kaya?
- Latest
- Trending