'Magkapamilya pinatos (?)'

(Huling bahagi)

AUGUST 27, 2008 NG PUMUNTA SA AMING tang­gapan si Anthony Corpuz dala ang isang malaking problema. Idinulog niya ang kasong panre-rape sa kanyang anak na si Marian (di tunay na pangalan) labing-isang taong gulang.

Ayon kay Marian taong 2005 nung siya grade three ng makaranas siya ng pangmomolestiya mula sa kamay ng kinakasama ng kanyang lola Lourdes Corpuz na si Rogelio Tagupan o mas kilala sa tawag na Papa Roger.

Itinago ni Marian ang napakasamang insidenteng ito sa kanyang buhay. Nabunyag ito nung nagreklamo ang tatlong taong gulang niyang pinsan ni Angel di tunay na pangalan sa kanilang tita na si Annalyn Corpuz.

Pumunta sila ng CIDG upang ipa-Medical Examination si Angel at lumalabas sa resulta nito na merong “Shallow healed laceration at 3 o’clock position”.

Makalipas ang ilang araw ay ipinagtapat ni Marian na pati siya ay naging biktima ng pangmomolestiya ng kanyang Papa Roger nung siya’y grade three pa lamang kaya agad din siyang dinala sa CIDG at lumalabas sa Initial Medico Legal Examination Report na merong “Deep healed lacerations at 5 and 7 o’clock positions.”

Kinausap nila Anthony ang kanilang Ina at gaya ng parati nitong ginagawa ay pinagtatanggol niya si Roger.

Ayon sa sinumpaang salaysay nila Roger at Lourdes na gawa-gawa lang ang ibinibintang nila Anthony kay Roger at galit lang sila kaya pilit nila pinaghihiwalay sila Lourdes at Roger.

Sinagot nila Annalyn at Anthony ang mga sinabi ng kanilang Ina na si Lourdes at ang kinakasama niyang si Rogelio.

Ayon sa kanila ang insidenteng pang momolestiya ni Rogelio ay hindi na bago at ito’y nangyari na sa kanilang nakababatang kapatid na si Anna (di tunay na pangalan) noong 1996.

Si Annalyn ang parating kasama ni Anna sa mga hearings nung panahong iyon at alam niya rin kung pano umiyak, lumuhod at nagmakaawa ang kanilang Ina na patawarin si Rogelio.

Si Anna ngayon ay nasa Marinduque na upang makalayo at kalimutan ang maitim na yugto ng kanyang buhay dahil sa sinapit niyang panghahalay mula kay Rogelio.

Ayon muli kina Annalyn at Anthony na hindi nila ilalantad ang kanilang pamilya sa matinding kahihiyan sa publiko dahil lang sa gusto nilang paghiwalayin ang kanilang Ina at kinakasama nitong si Rogelio gaya ng gusto nilang palabasin.

“Hindi namin kakaladkarin at kakasangkapanin sila Marian at Angel gaya ng kanilang sinasabi para mapaghiwalay lamang sila. Sa katunayan hindi na namin pinakikialaman ang buhay ng aming Ina at kung sino pa ang kanyang gustong pakisamahan,” sabi ni Anthony.

Ang alibi at denial ay ang pinakamahinang depensa. Ang positibong deklarasyon ay mas binibigyang diin at ang sinasabi ng mga bata dahil kadalasan mula sa kanilang bibig namumutawi ang katotohanan.

“Gusto kong mapagbayaran niya lahat ng kahayupang ginawa niya sa pamilya ko. Dapat tuluyan na siyang makulong ng habang buhay para hindi na siya makapangbiktima pa ng iba,” pahayag ni Anthony.

“Para kay Nanay, hindi mo na kami binigyan ng halaga at respeto. Hindi ka na namin kilala. Para kay Rogelio, Ginawa mo ng aso ang pamilya namin. Nanay ko, kapatid ko at ngayon mga pamangkin ko. Matakot ka naman sa Diyos,” Pahayag ni Annalyn.

ANG SERYENG ito nawa’y maging aral sa ating lahat.

Maging mapagbantay tayo sa ating mga anak na babae sa lahat ng sandali. Mga taong hindi naman nating lubusang kilala. Dahil minsan lang tayo magkamali habang buhay na dadalhin ng ating mga anak ito. Kahit ano pa mang pagsisi hindi mo na maibabalik ang kahapon.

Bilang tulong sa pamilya ni Anthony, binigyan namin sila ng referral kay Usec. Alice Bala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang makatulong sa unti-unting paglimot ni Marian ng isang madilim na yugto ng kanyang buhay.

Binigyan din namin sila ng referral kay Atty. Montano Nazario ng Sigma Rho Legal Assistance Volunteers at nangako siyang tutulungan ang pamilya ni Anthony sa kasong ito. (KINALAP NI JONA FONG)

NAIS KONG PASALAMATAN si Ms. Susana Virtus ng All Season Manpower Service para sa tulong niya kay Carmelita Bajaro.

Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Email address: tocal13@yahoo.com

Show comments