Totoo ba ito?

Sa loob ng bahay ako’y nagbabasa

dyaryo’t mga aklat na aking makita;

sa dami ng libro na aking binasa

ang berde kong utak ay natataranta!

Minsa’y natunghayan pambihirang aklat –

ang sumulat nito’y dayuhang matalas;

at ayon sa kanya tayo’y walang oras

at ang umiikot paligid ng lahat!

Dahil umiikot itong ating mundo

hindi gumagalaw tayong mga tao;

ngunit sa energy at vibration nito

nararating natin iba’t ibang dako!

At may libro naman na ang sinasabi

ito raw si Hitler ay hindi salbahe;

ginawang pagpatay sa taong marami

ay marapat lamang sa mga mas’werte!

Saka raw ang langit narito sa lupa

spirit ng patay dito’y gumagala;

wala raw impyerno’t purgatoryo yata

narito sa mundo ang lungkot at saya!

Taong namamatay — sa isa pang aklat —

mga espiritu’y hindi nagwawakas;

at ang mga buhay kapag nag-uusap

ay may espiritung katabi’t kaharap!

Mga espiritu’y hindi nakikita

pero gumagala sa mga kalsada;

kahit ang katawan ay naagnas na

ang spirit nito’y buhay na buhay pa!

May nagsabi pa ring damo at halaman —

mga dahon nito ay buhay na buhay;

ito raw ay isang magandang patunay

sila’y espiritu ng mga namatay!

Sa isa pang aklat doon ay nabunyag

spirit ng patay ay naglalagalag;

sila’y narito lang laging nagmamatyag

sa mga naiwang asawa at anak!

Show comments