UMALMA ang Movement for Restoration of Peace and Order (MRPO) na pinamumunuan ni Teresita Ang-See sa kautusan ni PNP chief Director General Jesus Verzosa na huwag iparada sa harap ng mga mamamahayag ang mga suspek. Ayon kay Verzosa nararapat lamang na ikubli muna sa mamamahayag ang mukha ng mga suspek habang hindi pa napapatunayan sa kanilang mga kasalanan.
Bahag pala ang buntot ni Verzosa sa derektiba ng Commission on Human Rights (CHR) dahil wala siyang lakas na ipaglaban ang karapatan ng mga biktima. Di ba mga suki?
Habang itinatago n’yo ang mga mukha ng mga suspek ay nangangamba tuloy ang mga kaanak nila na sa mga darating na panahon ay makikita na lamang nila ang kanilang kaanak na pantay na ang mga paa. At habang nakatago ang mga ito ay namumuo sa isipan ng ilang inosenteng mamamayan na di maglalaon ay muling makakalabas ang mga ito at makapambibiktimang muli.
Di maiaalis sa isipan ng ilang kababayan na may mga padrino rin ang mga ito sa ilang mga tiwaling opisyal ng kapulisan. Kaya’t ang pangamba at pag-aalinlangan ay patuloy na sumisiksik sa kanilang isipan. Get n’yo Sir?
Kung sabagay mataas talaaga ang kumpetensiya ng mga mamamahayag sa ating lipunan sa kasalukuyan dahil kadalasan mga media people pa nga ang nagbubulgar sa mga kriminal. Di ba mga suki? Kadalasan nag-iiskupan ang bawat mamamahayag sa pagkober ng isang insidente. Ika nga’y galit-galit muna ang bawat isa sa oras ng trabaho, walang kamag-anak at walang kaibigan sa coverage.
Ganyan kami sa aming propesyon bilang pagpapakita sa katapatan namin sa inyo mga suki at pinaglilingkurang kompanya. Subalit matapos ang coverage balik na naman ang aming mabuting pagsasamahan. Trabaho lang walang personalan sa oras ng trabaho. Ganyan ang organisasyon namin. Subalit buo ang aming pagsasama sa oras na maagrabyado ang ilan naming kasamahan at bukas-palad kami na tulungan ang mga ito. Get n’yo mga suki?
Katulad na lamang sa nangyaring pangha-harass sa isa naming kasamahan sa Baguio City na ikinulong ng humigit-kumulang 80 oras ng dahil lamang sa simpleng traffic accident. Lumalabas kasi na pinersonal ni Insp. Joseph Del Castillo, hepe ng Police Community Precinct 4 si Cesar Reyes matapos ipagkait nito ang karapatang pantao. Ayon kay Reyes naganap umano ang simpleng aksidente sa Session Road noong September 18 at agad sinampahan ng kaso.
Hindi man lamang siya binigyan nang pagkakataon na sumagot sa akusasyon na isinampa sa kanya kung kaya nanatili siyang nakakulong sa selda hanggang Lunes. At nang dinggin ng piskalya lumalabas na kumpleto sa dokumento ang dalang baril ni Reyes. Ang naging asunto lamang na kakaharapin ni Reyes ay ang simpleng pagtatalo sa banggaan, he-he-he! Sa puntong ito mga suki, ipinakita lamang ni Insp. Castillo na makapangyarihan siya. Paano na lang kaya kung mangmang si Reyes? Tiyak mabubulok siya sa kulungan. Di ba mga suki?
Sa ngayon ang president ng National Press Club (NPC) na si Benny Antiporda ay nakatakdang pumunta sa Baguio upang magsagawa ng imbestigasyon sa naturang insidente. Maging ang Commission on Human Rights ay magsasagawa rin ng kaukulang imbestigasyon upang alamin kung nilabag ni Castillo ang karapatan ni Reyes. At oras na mapatunayan na binaraso nga ni Castillo si Reyes, tiyak na may kalalagyan din ito.
General Verzosa, pakiimbesitigahan si Castillo bago mo itago ang kanyang mukha sa publiko! Abangan!