EDITORYAL - Agam-agam sa gatas at sa endosulfan
PATULOY ang agam-agam sa gatas na made in China na hinaluan ng melamine. Kaya mahigpit ang babala ng Department of Health na huwag munang bumili ng mga gatas na made in China.
Kung may agam-agam sa gatas, may agam-agam pa rin naman sa chemical na endosulfan. Ang endosulfan ay kargamento ng M/V Princess of the Stars na lumubog sa Sibuyan Island noong Hunyo. Ang endosulfan ay ginagamit bilang fertilizer sa mga pinya.
Balot pa rin ng agam-agam sapagkat ang isang diver umano makaraang sumisid ay nakadama ng pagkahilo. Hindi pa matiyak kung kontaminado ang tubig sa nilubugan ng Princess kaya nahilo ang diver.
Binutas na ang nakataob na barko at sinimulan nang iahon ang chemical. Tinatayang 400 packs ang endosulfan na nasa barko. Sa unang araw ng pagsisid ay nakakuha lamang ng apat na drum ng endosulfan. Sa lalong madaling panahon daw ay makukuha na lahat ang endosulfan.
Tuluyan lamang na mawawala ang agam-agam sa endosulfan kapag nakuha nang lahat ang mga ito sa loob ng barko. Hangga’t hindi nakukuha, ang paghihigpit sa mga residenteng nakatira sa baybayin ng Sibuyan Island ay dapat pa rin namang ipatupad. Kung totoo na nakadama ng pagkahilo ang isa sa mga diver, baka nga kontaminado ang tubig.
Mula nang mabunyag na may kargang toxic chemicals ang M/V Princess nagsimula na ang kalbaryo ng mga residente sa baybayin ng Sibuyan. Paano’y ipinagbawal sa mga taga-roon ang pangingisda at maski ang paglapit sa nakataob na barko. Pinaniniwalaan na tumagas na ang chemicals at kontaminado na ang dagat sa lugar. Binawalang mangisda ang mga taga-roon. At parang pinatay na rin ang mga umaasa sa dagat sapagkat wala silang pagkakitaan. Tanging ang pangingisda ang kanilang inaasahang ikinabubuhay sa lugar na iyon. Mula Hunyo hanggang sa kasalukuyan ay mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pangingisda.
Ang mabilisang pag-aahon sa toxic chemical ay nararapat na madaliin para naman ganap na masuri ang kapaligiran doon. Kapag ganap nang nasuri at mapatunayang hindi nag-leak ang chemical, saka lamang payagan ang mga mangingisda na makapaghanapbuhay. Siguruhing walang masasayang na buhay. Tama na ang isang pagkakamali.
- Latest
- Trending