Ang mangkok na kahoy
NAKUKUBA na si Itay sa katandaan nang makitira sa anak, ma nugang na babae, at edad-4 na apo. Nanginginig ang kamay, nanlalabo ang paningin, nangangalos sa paglakad. Salu-salo sila sa mesa tuwing kainan.
Hirap ang matanda kumain dahil sa nginig ng kamay at labo ng mata. Nalalaglag ang kanin sa sahig, natatapon ang inumin sa mantel.
Di nagtagal naubos na ang pasensiya ng anak at manu gang na babae sa kalat sa kainan. “Dapat gawan ng paraan si Itay,” anila, “di na namin kaya ang natatapong inumin, maingay na pagkain, at kalat sa sahig.”
Naglagay ang mag-asawa ng maliit na mesita sa sulok. Doon mag-isang kumakain ang matanda, habang nasa hapag-kainan ang mag-anak. At dahil nakabasag na siya ng ilang plato, nilalagay ang pagkain niya sa isang mangkok na kahoy.
Paminsan-minsan nililingon ng mag-anak si Tanda, at paminsan-minsan din ay may luhang namumuo sa gilid ng mata niya. Ganunpaman, ang maririnig lang mula sa mag-asawa ay maaanghang na salita tuwing malalaglag niya ang kutsara o makakalat ang pagkain.
Tahimik lang na pinagmamasdan lahat ito ng edad-4 na bata. Isang dapithapon, bago maghapunan, napansin ng ama ang bata na may pinaglalaruang retaso ng kahoy sa sahig. “Ano’ng ginagawa mo?” malambing niyang inusisa ang bata. At buong lambing din itong tumugon: “Gumagawa po ako ng maliit na mangkok na kahoy para pakakainan ninyo ni Mama sa sulok kapag malaki na ako.” Ang laki ng ngiti ng bata habang tinutuloy ang ginagawa.
Parang batong tumama sa ulo ng mga magulang ang salita ng bata. Hindi sila nakakibo. Dumaloy lang ang luha sa kani lang pisngi. Wala nang usapan, pero batid na nila ang dapat gawin.
Nang maghahapunan na, inakay ng mag-asawa si Itay pabalik sa hapag-kainan. Sa lahat ng nalabing araw niya, doon na siya muli kumain, kasabay ng pamilya. At hindi na muli umangal ang mag-asawa tungkol sa nabibitawang kutsara, natatapon na inumin o nakakalat at mumo sa sahig.
* * *
Lumiham sa [email protected]
- Latest
- Trending