DI pa man umiinit ang puwit ng bagong hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) Police Director Jefferson Soriano ay madugo na agad ang sumalubong sa kanya matapos makasagupa ng Las Piñas City Intelligence Unit at Special Weapons and Tactics ang apat na hinihinalang holdaper sa Alabang Zapote Road. Ang mga suspek ay nakasakay sa motorsiklo.
Namatay sa sagupaan ang dalawa sa apat na suspek habang ang isa ay ginagamot sa ospital. Ang naaresto ay nakilala sa pangalang Matar. Dahil siguro sa bagong kautusan ni Philippine National Police chief Deputy Dir. Gen. Jesus Verzosa sa lahat ng kanyang mga opisyales kaya napakahirap kumuha ng detalye. Puro iwas ang ginagawa ng mga pulis sa tanong ng mamamahayag.
Ito na marahil ang simula ng mga umaatikabong bakbakan sa mga lansangan sa pagitan ng mga pulis at kriminal.
Nang maupo si Verzosa noong Sabado ay agad nitong pinag-utos sa kanyang mga tauhan na iwasan ang pagpresenta ng mga suspek sa mamamahayag bilang pagtalima sa Commission on Human Rights (CHR).
Ito na marahil ang simula para muling mamayagpag ang mga organized crime dahil maaari na nilang magamit ang kanilang koneksyon sa mga tiwaling pulis, he-he-he! Kung bawal na ngang ipresenta ang mga suspek sa mamamahayag hanggat hindi napapatunayan, tiyak na darami na naman ang kalaban ng mga pulis.
Katulad na lamang sa lumalalang problema sa mga kabataan sa ngayon, dahil nga bawal ipresenta sa mamamahayag ang mga ito ay patuloy na lumulobo ang karahasan sa mga lansangan na nagbibigay na malaking problema sa mga pulis.
Bawal ding ikulong ang mga nagkasalang kabataan sa mga presinto ng pulis kaya ang lahat nang nahuhuli ay agad dinadala sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ilang oras lamang at agad ding ipinauubaya sa mga magulang at ang ilan naman ay agad pinakakawalan. Kaya pabalik-balik na ang mga ito sa DSWD hanggang sa maging ganap na kriminal.
Tama lamang ang ginawa ng CHR na ipagbawal ang pag-presenta sa mga suspek. Kung matatandaan, noon pa ginagawa ng mga pulis ang mangalawit ng mga walang muwang upang maipakita lamang na nagtatrabaho sila o yaong pogi points sa kanilang superior. Subalit sa panahon ngayon na naglilipana na ang mga kriminal katulad na lamang sa mga kilabot na Kuratong Baleleng, Waray Waray Gang at Ilongo Group na nagsasagawa ng pambibiktima sa mga inosenteng mamamayan at mangholdap sa mga establisimento, kailangan pa bang itago pa ang mga ito sa mamamahayag?
Gen. Verzosa, Sir, pag-isipan mong maigi ang usaping ito. Abangan!