TULOY ang kuwento ni Horacio de la Costa sa Readings in Philippine History, sa pinanggalingan ng mga Maguindanao. Dakong 1500 lumayag si Sarip Kabungsuwan at napadpad sa Cotabato. May kakaiba siyang lakas: kumukumpas lang, bagsak-patay na ang kalaban. Baril, ani de la Costa.
Dumaong si Kabungsuwan sa Tinundan. May naaanod na mais at ube sa ilog. Tiyak may tao, nag-abang sila. Naparaan si Manumbali, datu ng Silangan, at pitong mangangaso. Nang di-magkaintindihan ng salita, kumumpas si Sarip; nabuwal-patay ang isang mangangaso. Kumaripas nang takbo ang iba. Nabalitaan ng mga taga-Katitwan ang pangyayari; bumaba sila sa ilog para makipagkilala. Hindi muli nagkaigi; isa muli ang napatay. Isinama nila sina Tabunaway at Mamalu na kapwa naintindihan si Kabungsuwan at sumakay sa barko. Ipinatawag ni Mamalu ang mga katribo at inanyayahan si Sarip na sumama sa kanila pabalik sa Maguindanao. Pumayag siya — sa kundisyong magpabinyag muna lahat bilang Muslim, at pumayag sila.
Inulit ni Thomas McKenna ang kuwento sa Muslim Rulers and Rebels, pero mula sa “tarsila”, ang family tree ng Cotabato sultanates na itinatag nu’ng 1511. Lumalabas na bininyagang Muslim ni Kabungsuwan ang iba pang datu, at inasawa ang mga anak. Saad sa “tarsila” ang lahing bughaw mula Johore na kadugo rin ni Propetang Mohamad. Sa anak si Kabungsuwan na Sarip Makaalang nagbuhat ang mga datu na Maranao. Maraming purok at isang bagong probinsiya ngayon ang pinangalanang Sharif Kabunsuan, sa makabagong baybay.
Isa ring kadugo ni Mohamad ang nagturo ng Islam sa Sulu-Palawan. Taon 1450, lumayag si Sarip Syed Abu Bak’r, Arabong isinilang sa Johore, at napadpad sa Sulu mula Melaka. Inasawa niya si Param Isuli, anak ni Rajah Baguinda. Makalipas ang pitong taon, itinatag niya ang Royal Sultanate of Sulu, House of Hashemite in Hadra maut, kung saan naman nagmula ang mga datu ng Tausog at Yakan. Nakalibing si Abu Bak’r sa Simunol, Tawi-Tawi, sa gilid ng pinaka-matandang mosque sa bansa.