KALAHATI ng Kasaysayan ay datos, at kalahati’y opin-yon. Merong mga nagbabaluktot ng datos — tulad ng mga taga-Malacañang at separatista na umakda ng Memo of Agreement-Ancestral Domain. Anila simula’t-sapol ay okupado ng Bangsamoro people ang Mindanao, Sulu at Palawan. Mali.
Giit sa MOA-AD, “Kikilalanin ng magkabilang panig ang ancestral domain na pag-aari ng ninuno ng Bangsamoro mula sinaunang panahon.” At “First Nation” kuno sila, na may sariling gobyerno’t kostumbre.
Kabaliktaran ang sabi sa bigkas at nakasulat na tradisyon ng mga Maguindanao at Maranao, na umano’y kinakatawan ng MILF. Dumating ang mga ninuno nila sa Central Mindanao mula Johore, katimugang dulo ng Malay Peninsula, bandang 1500. Samakatuwid, nauna lang sila sa mga Kastila nang humigit-kumulang 21 taon. Samakatuwid din, okupado na noon ang Limasawa, Cebu at Mactan ng ninuno ng mga sumalubong kay Magellan: Sina Kolambu, Humabon at Lapulapu. Ang Luzon naman ay okupado na ng mga Tagalog, Ilokano, Pampango, at iba pa na nakikipag-kalakal sa Visayas. Nang dumating nga ang mga bisitang Muslim mula Johore, sinalubong sila ng mga naunang naninirahan — mga Lumad.
Sa Readings in Philippine History, isinulat ni Horacio de la Costa ang bigkas na panitikan ng Maguindanao. Nagsisimula ang tala sa pagdating sa Johore mula Mecca ng Arabong Sarip Zayna-l-Abidin, at du’n nakilala niya si Putri Jasul Asikin, dalaga ni Sultan Sulkarnayn. Nag-asawa ang sarip at prinsesa; inanak si Sarip Kabungsuwan. Nang magbinata, humayo si Kabungsuwan at barku-barkong taga-Johore para manakop ng ibang lupain. Hinangin sila nang matindi sa laot at nagkahiwa-hiwalay ang mga barko. Napadpad si Kabungsuwan sa Cotabato; iba’y sa Balunay, Kuran, Tampasuk, Sandakan, Palimbang, Bangjar, Suluk, Tubuk, at Malabang.
Sa puntong ito, tinukoy ni De la Costa ang alamat ng Maguinda- nao na may kakaibang lakas si Kabungsuwan: Kumukumpas lang, bagsak-patay na ang kalaban. Pakiwari ni De la Costa, taglay ng sarip bukod sa bagong relihiyon ay baril!
(Itutuloy bukas)