HINDI lamang mga pasaherong may huwad na passport at visa ang nakalulusot sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) maski illegal drugs ay nakalulusot din. Simple lamang kung bakit nakalulusot, kutsabahan at malaking pera ang dahilan. Imposibleng makalusot ang illegal drugs kung mahusay ang seguridad lalo pa sa international airport. Pero nangyayari nga at maraming Pinoy ang nakalilipad dala ang illegal drugs.
Nasasabat naman ang mga Pinoy sa bansang destinasyon at malaking problema ang kanilang kinakaharap. Kamatayan ang hatol sa mga nagpapasok ng droga — ipa-firing squad o kaya’y pupugutan ng ulo.
Marami nang Pilipinong drug couriers (karamihan ay babae) ang nakalusot sa NAIA pero nasabat naman sa mga airport sa Beijing, Guangzhou, Shenzhen, Hong Kong at Macau. Karaniwang nakalagay sa mga kahon ng sapatos ang ipinupuslit na droga. Mayroong inilalagay sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang droga para hindi ma-detect pero tiklo pa rin.
Ayon sa report ng Dangerous Drugs Board (DDB), 69 Pinay na ang kasalukuyang nakakulong sa China at ang iba ay nahatulan na dahil sa pagpasok ng heroine sa nasabing bansa.
Noong Martes, isang 33-anyos na Pinay ang inaresto sa Shanghai International Airport makaraang mahuli sa kanyang possession ang packs ng heroin. Nakasilid sa kanyang hand-carried luggage ang droga. Nakapailalim ang droga sa limang pares ng pantalon. Noong nakaraang September 5, isang 25-anyos na Pinay din ang nahuli sa Shanghai airport nang makita sa kanyang bagahe ang 1.2 kilos ng heroine.
Nakalulusot sa x-ray machine sa NAIA ang droga at paano nga nangyayari iyon. Tiyak na may mga kasabwat ang drug couriers kaya nakalulusot. Hindi na nakapagtataka sapagkat talamak ang katiwalian sa NAIA. Pera-pera lang.
Tama ang sabi ni DDB chairman Vicente Sotto III na dapat magkaroon ng pagrebyu sa security and inspection procedures sa NAIA. Sabi ni Sotto, sisiguruhin daw niyang walang maipupuslit na illegal drugs sa bansa.
Sana nga ay magkaroon ng katotohanan ang sinabi ni Sotto. Panahon na para mapigilan ang pagpupuslit ng illegal drugs. Durugin ang mga tiwali sa NAIA.