Ang kapayapaan kahit saan tingnan
Ay laging mailap dito sa ’ting bayan;
Dahil sa ang gulo ay pandaigdigan
Kaya itong bansa sa gulo ay damay!
Kahit anong gawin ng ating gobyerno
Walang katapusan kaguluhan dito;
Walang kasiyahan ang maraming tao
Kaya tayong lahat ay damay sa gulo!
Mataas ang presyo ng mga bilihin
Kaya itong bansa sakmal ng hilahil;
Ang ating gobyerno kahit anong gawin
Kahit nagsisikap namimilipit din!
Mataas at mahal ang presyo ng langis
At ang presyong ito sabi’y pandaigdig;
Kung kaya ang gulo roon sa Middle East
Ay abot sa bansa at tayo’y ligalig!
Kung pagmamasdan mo’y tahimik ang bayan
Pagka’t walang gyerang kinasasangkutan –—
Pero tayo’y sangkot sa pakikilaban
Sa mga terrorist at mga tulisan!
Kaguluhang ito ay mula sa labas
Na likha ng mga bansang malalakas;
Mayr’ong mga bansang ang gusto’y mangwasak
Sa katabing bansa nang dahil sa armas!
Ngunit itong armas laging may kapalit
Lalo’t ang biktima ay bansang maliit;
Kung ito’y sakop na bibilhan ng langis
Saka kokontrolin presyong pandaigdig!
Ganito ang gulong ating nadarama
Kaya naghihirap itong ating bansa;
Ang katahimikan laging mailap nga –—
Sa manipulasyon na nananalasa!
Kaya tayo ngayon –— ang diwa at puso —–
Sa manipulasyon hindi makalayo;
Nasa palad tayo’t nilalaru-laro —–
Nang maraming pwersang laging nakatago!