DUMULOG ang ilang residente ng Manuyo Dos, Las Pi
ñas City sa akin upang isangguni ang matagal na nilang problema tuwing bumuhos ang malakas na ulan.
Ang nais nila ay maiparating kay Mayor “Nene”Aguilar ang kanilang problema. Kaya minabuti kong mag-ikot sa mga lugar na kanilang binanggit.
Noong Miyerkules ng gabi nasaksihan ko ang haba ng pila ng mga sasakyan sa Santiago St. Phase-7, Gatchalian Subdivision hindi dahil matrapik kundi nag-uunahan ang mga may-ari ng sasakyan na maitakas ang kanilang mga sasakyan sa mabilis na pagtaas ng tubig. He-he-he! Mabuti na lamang at maaga pa nangyari ang pagtaas ng tubig baha kaya naisalba nila sa pagkalubog. Malaking gastusin din kasi ang pagpapalinis at pagpapatuyo sa mga sasakyan sa ngayon. Di ba mga suki?
Para sa kaalaman mo, Mayor Aguilar, ang Manuyo Dos ay imbudo ng tubig, dahil dito dumadaloy ang tubig galing Barangay CAA, Airmens Village at kalapit na mga barangay ng Parañaque. Mabilis tumaas ang tubig dito. Makikipot din ang mga ilog sa naturang lugar kaya’t di agad nakaaagos ang tubig patungong Manila Bay.
Ayon sa mga residente na aking nakausap. Mula umano nang matapos ang C-5 extention mula Pulang Lupa hanggang Palanyag, Parañaque ay perwisyo na ito sa natu rang lugar. Di naman nila tinututulan ang konstraksiyon ng naturang highway dahil malaking kaginhawaan sa trapiko kapag makonekta hanggang C-5 sa South Express Way.
Mga kulang sa pansin lamang ang kumukuwestiyon sa C-5 extention project ni Villar sa Senado kaya lalong naaantala. At habang patuloy ang bangayan sa Senado ay hindi na makatu log ang mga residenteng apektado ng baha kapag umuulan.
Dati, ang baha umano ay hanggang tuhod lamang subalit ngayon ay hang gang dibdib kaya sira-sira na ang kanilang mga kasangkapan. Kung malilinis at mapaluwag lamang ang mga ilog sa naturang lugar tiyak na maiibsan ang pagbaha. At ang isa pang pangunahing problema ng mga residente roon ay ang iregular na paghakot ng basura. Aba Mayor Aguilar, pakihambalos mo nga ang iyong mga tauhan. Kinakatamaran na nila ang paghakot ng basura.
Dati-rati kasi, isang beses isang linggo kung maghakot ng basura sa naturang lugar subalit ngayon ay inaabot ng dalawang linggo kung hakutin kaya kadalasan inaanod sa ilog ang basura na nagiging sanhi ng pag babara sa mga estero.
Mayor Aguilar, pansinin mo ang problema ng mga taga Manuyo Dos na matagal na nilang dinaranas.