Bantay produkto
AKALA natin bahagi ng trabaho ng gobyerno ang magbantay sa mga produktong pumapasok sa bansa natin, upang matiyak na walang papasok na mapanganib sa ating kalusugan. Ngunit kailan lang, nalaman natin na pumapasok na pala rito ang mga produktong gatas na may halong lason. Ano ang nangyari at nagkaganito tayo?
Si Mrs. Gloria Arroyo ang isa sa mga nagtulak na sumama tayo at lumagda sa General Agreement for Tariff and Trade (GATT) na ngayon ay kilala na sa pangalang World Trade Organization (WTO). Noong naging isyu ang paglagda nito, marami ang nangamba na baka mapasok tayo ng mga palpak at delikadong produkto, ngunit ang sagot ni Mrs. Arroyo at ng kanyang pangkat ay hindi raw magiging problema ito dahil mayroon naman daw safety nets.
Dahil marami na ang hindi sang-ayon sa WTO, napan sin natin na lumalayo na si Mrs. Arroyo sa isyung ito at parang ang pahiwatig pa niya ay wala siyang kinalaman dito. May kinalaman man siya o wala, siya ang chief executive ngayon kaya wala rin siyang lusot kung may mangyaring masama, at nangyari na nga ito.
Kung hindi pa nangyari ang isyu ng lason sa gatas, hindi pa kikilos ang gobyerno upang mapigil ang pagpasok ng mga palpak na produktong ito. Anong klaseng gobyerno mayroon tayo na tila yata pabaya sa kanilang tungkulin? Anong klaseng Chief Executive mayroon tayo na tila hindi alam ang mga panganib na humaharap sa lipunan bagamat bilyon bilyon ang hawak niyang intelligence funds?
At sa halip na patuloy tayong mag-import ng gatas, hindi ba dapat gumawa ng paraan ang gobyerno na taasan ang ating local production? Magtitiwala pa kaya ang taumbayan na mapaunlad ng gobyerno ang agriculture pagkatapos ng fertilizer scam? Kailan lang, bumagsak na naman ang popularity rating ni Mrs. Arroyo. Papaano pa kaya tataas ang rating niya kung ganito ang patakbo niya?
- Latest
- Trending