(Kinalap Ni Gail De Guzman)
ISINULAT KO NUNG Miyerkules na aking ilalahad ang mga detalye sa likod ng pagplano at pagpatay kay Melencio “Omeng” Agoelo ang “star witness” ng kasong Multiple Murder (3 counts) laban sa mga pulis ng Station 8 sa Quezon City.
Ang mga mababasa ninyo ay ang mga nilalaman ng salaysay na kusang loob na ibinigay ng nahuling gunman na si Richard Celestial, 28 taong gulang at nakatira sa Concepcion I, Marikina City.
Ang salaysay na ito ay ibinigay kay Special Investigator Dennis Villanueva at Roel M. Jovenir sa tanggapan ng Anti Fraud and Computer Crimes Division ng National Bureau of Investigation.
Ngayon pa lamang sa puntong ito, nais kong iparating sa mga pulis na makakaladkad ang pangalan sa ginawang salaysay ni Celestial na bukas ang aming tanggapan para sa inyong panig. Ito ay sa ngalan ng isang patas at balanseng pamamahayag.
Idinetalye ni Celestial ang buong pangyayari sa likod ng krimeng kanyang ginawa at inamin. Ang pagbaril at pagpatay kay Omeng.
Idinawit niya ang pangalan ng mga pulis na sina PO2 SHERWIN TOLENTINO, SPO1 GIL BULAN, PO2 JURGENE PEDROSO, PO2 ELMOR ALAY-AY, PO3 DOMINIC CHAN, isang pulis na nakilala niya lang sa tawag na “SARHENTO” at isa na kilala niya lang sa mukha.
“Una kong nakilala ang grupo nila tatlong taon na ang nakalipas. Pinakilala sa akin ng kaibigan kong si Hazel ang live-in partner niya na si PO2 Tolentino. Noon ay naka-assign na siya sa Station 8. Pinakilala niya din sa akin ang iba pa niyang mga kasamahan at simula nun naging dikit na ako sa kanila,” ayon kay Celestial.
Naging magaan ang loob nila kay Celestial. Naging malapit ito sa kanila kahit alam nila na si Celestial ay isang holdaper at marami siyang ginagawang labag sa batas. Ang koneksyon niya sa mga ito ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi siya nahuhuli.
Ayon kay Celestial, marami na silang pinatrabaho sa kanya.
Ang pinakahuli umano at pinakamahirap ay ang pagpatay kay Omeng.
Una niyang umanong nalaman ang problema ng mga pulis nung nakainuman niya ang mga ito. Ayon daw kay PO2 Tolentino nanganganib sila sa kasong kanilang kinasasangkutan at may tao silang pinagpaplanuhang itumba.
Setyembre 8, 2008 sinundo siya ni PO2 Tolentino mula sa kanilang bahay at dinala sa Station 8… dun niya nakilala si “SARHENTO”.
“Ako daw yung taong pinagmamalaki niya kay Sarhento. Narinig ko na tinanong niya si PO2 Tolentino kung tumitira ba talaga ako ng tao. Tinanong niya ako, sumagot na lang ako ng “oo” para hindi naman siya mapahiya,” kwento ni Celestial.
Tinanong siya ni Sarhento kung anong ginagamit niya “pangtrabaho” sagot naman niya na meron siyang baril. Hindi ito pumayag na yun ang gamitin kaya iminungkaihi na lang ni Celestial na ice pick na lang ang kanyang gagamitin. Pumayag naman daw umano si Sarhento.
Pinakain muna ni Sarhento sina Celestial at PO2 Tolentino. Matapos silang mananghalian nagpalipas sila ng oras sa labas ng presinto. Ilang sandali ang nakaraan lumabas si Sarhento kasama ang limang pulis na naka-uniporme.
“Sumakay kami sa mobile at dinaanan namin ‘yung isang pulis na hindi ko kilala sa pangalan. Habang nakasakay kami dun nag-uusap usap sila pero hindi ko maintindihan dahil nasa likod ako. Dumaan kami sa City Hall para magpapirma ng papeles tungkol sa kaso nila. Tanghali na kamu bumalik sa station 8,” sabi ni Celestial.
Pagdating sa police station dumeretso kaagad sila sa opisina ni Sarhento. Napansin ni Celestial na may nagsara ng pinto, nuon niya naisip may importanteng bagay silang pag-uusapan na hindi dapat marinig ng iba.
Nilarawan ni Celestial ang itsura ng opisinang ‘yun. Ayon sa kanya pagpasok ng pinto ay may pader sa kanang bahagi at dun nakasabit ang “holster” at iba pang gamit ng pulis. Sa tabi ng pinto ay may nakasabit na uniporme ng pulis.
Sa kaliwa naman ay may mesa at sa pader may nakasandal na karton na may mga numero na ginagamit sa saklaan. May pahabang bintana din sa likod ng lamesa sa nasabing kwarto.
Lahat ay nakapwesto na sa loob at sarado na rin ang pinto, isang katanungan ang pinag-umpisahan ng kanilang usapan.
“O, ano, patira na natin si Omeng?” tanong ni Sarhento sa mga pulis. Nagkaroon ng sandaling katahimikan at nagkatinginan ang mga ito at sabay-sabay silang sumagot ng “Oo!”.
“Nagkasundo na sila na ipagawa sa akin ang plano nila laban kay Omeng. Sabi naman ni P02 Pedroso at PO2 Alay-ay dapat muna akong samahan sa Masinag para makita ko kung saan nakapwesto si Omeng at makilala ko na rin siya. Nagpresenta naman si PO2 Tolentino na siya na lang ang sasama sa akin,” sabi ni Celestial.
Binigyan ni Sarhento si PO2 Tolentino ng 500 pesos pang gas sa motor at pangkain nilang dalawa ni Celestial. Tinanong din siya ng mga pulis kung magkano ang gusto niyang kapalit sa gagawin niyang ito. Hindi nakasagot si Celestial kaya sila na lang ang nagdesisyon para sa kanya.
Ayon na rin sa kanila matatanggap ni Celestial ang kabuuang bayad kung maisasagawa niya ng maayos ang pagpatay kay Omeng.
Natapos ang isang maayos na usapan sa pagitan ni Celestial at ng mga pulis. Naghiwa-hiwalay na sila at sabay umuwi sina Celestial at PO2 Tolentino. Kinagabihan naabutan ni Celestial na kausap ni PO2 Tolentino si Sarhento sa cellpone. Nagiging mainipin na raw ito at tinatanong kung kailan nila isasagawa ang plano.
Setyembre 9, 2008, alas-9 pa lang ng umaga sinundo na ni PO2 Tolentino si Celestial sa kanilang bahay gamit ang kanyang pulang motor na Yamaha MIO 125. Nagbiyahe na sila papuntang Masinag, Antipolo City.
Ito ang simula ng pagmamanman nila kay Omeng. Sinurveillance ni Celestial ang bawat lagusan sa lugar kung saan matatagpuan si Omeng.
Anu-ano ang mga sumunod na pangyayari? Paano niya naitumba si Omeng?
ABANGAN sa Lunes ang mga detalye ng pagbaril at pagkapatay kay Omeng sa pagpapatuloy ng kwentong ito..EksKlusibo dito lamang sa “CALVENTO FILES sa PSNgayon.”
PARA SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN tumawag sa 6387285 o 6373965-70 o magtext sa 09213263166 at 09198972854. Maari din kayong magpunta sa aming tanggapan sa 5thh Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
Email: tocal13@yahoo.com