SI Ms. Cheryl Cosim ang batikang host nang maraming programa sa ABS-CBN. Apat na taon nang host si Cheryl ng Salamat Dok, ang nangungunang health show ng bansa.
Kami ng aking maybahay na si Dra. Liza ang doktor sa Salamat Dok medical mission, kung saan may 200 pasyente ang nakapila bawat araw. Dahil sa dami ng pasyente ay medyo nagkukulang na ang aming supply na gamot.
Nalaman ko sa isang reliable source na si Ms. Cheryl mis-mo ang tumutulong sa mga mahihirap. Nagbibigay siya ng parte ng kanyang suweldo sa ABS-CBN para sa mahihirap.
At kung may iba pa siyang hosting jobs, ay nagdo-donate din siya mula sa kanyang kinikita. Bakit ito ginagawa ng magandang TV host?
“Give and you will receive”
Ayon kay Ms. Cheryl, maraming mahihirap at may-sakit ang nakikita niya sa kanyang trabaho. Masuwerte pa tayo dahil tayo’y malusog, at nagpapasalamat siya sa Diyos sa mga biyaya na ibinigay niya.
May kasabihan sa Bibliya na kapag nagbigay ka sa iyong kapwa ay babalik din ang suwerte sa iyo ng mas higit pa. Ganito na nga ang nangyari kay Ms. Cheryl dahil napakarami niyang shows sa ABS-CBN.
Bukod sa Salamat Dok sa weekend, mayroon pa siyang mga programa sa DZMM 630 Teleradyo. May news program si Cheryl tuwing 4 a.m. at 8 a.m. Bukod dito, may isa pang health show si Cheryl, ang Magandang Gabi Dok tuwing 7:40 ng gabi, Lunes hanggang Biyernes.
Payo ni Sen. Orly Mercado
Ngayong nasa Salamat Dok na kami, naaalala ko tuloy ang palabas na Kapwa Ko Mahal Ko ni Sen. Orly Mercado noong ako’y bata pa. Araw-araw ko itong pinapa nood pagkatapos ng klase ko sa high school. Bumilib at nagtiwala ako kay Senador Orly sa ginagawa niyang pagkalinga sa mga mahihirap.
Kamakailan, nakausap ko si Senador Orly at humingi ng payo. Ang sabi ni Senador Orly: “Noong ako’y nag-uumpisa pa lamang sa public service, sinabi sa akin ni Ms. Rosa Rosal na dapat ay handa akong gawin itong pagtulong sa loob nang maraming dekada. Pang habambuhay itong ginagawa natin.”
“Ganoon din ang ipapa yo ko sa inyo. Hindi natin mauubos ang mahihirap. Ngunit natutuwa ako na may mga doktor na nagtutuloy sa paglingkod sa mga mahihirap,” madamdaming sabi ni Senador Orly.
Saludo kami kay Ms. Rosa Rosal, Sen. Orly Mer-cado at ngayon kay Ms. Cheryl Cosim sa kanilang pagtulong sa mga kapuspalad. Sa bawat panahon, at sa bawat dekada, kailangan ay may tutulong sa ating mga kababayan. Nandiyan ang biyaya at kaligayahan sa buhay.
* * *
(Iniimbitahan ko kayong manood ng Salamat Dok ng ABS-CBN, Sabado 6 a.m. at Linggo 7:30 a.m.
E-mail: drwillieong@gmail.com)