ISANG buwan na ang nakararaan mula nang mag-offer ng pabuyang P2-milyon ang pamahalaan para mahuli sina Kumander Ameril Umbra Kato at Abdulrahman Macapaar alyas Kumander Bravo pero hanggang ngayon, wala pang positibong balita kung nasaan na sila. Ni hindi malaman kung saan tumakbo makaraang makubkob ang kanilang mga kuta.
Wala pang hustisyang naisisilbi sa mga sibilyang nabiktima ng dalawang terorista. Walang masabi ang military kung saan nagkukuta ang dalawa.
At lalo lamang umaantak ang sugat na nalikha ng dalawang terorista kapag umaatakeng muli at ang mga walang laban na sibilyan ang pinupuntirya. Noong Linggo ng gabi, umatake ang dalawang grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na umano’y tagasunod ni Kato sa Mamasapano, Maguindanao. Sinunog nila ang isang day care center, health center at 16 na bahay. Pawang abo na lamang ang natira sa mga sinunog ng terorista. Ayon sa mayor ng Mamasapano, ang day care at health center ay mala-ki ang naitutulong sa mga mahihirap na residente. Ngayong abo na lamang ang natira, wala nang mapupuntahan para mapagpagamutan ang mga residenteng maysakit.
Sabi noon ng military, kumikipot na ang tinatakbuhan nina Kato at Bravo. At lalo pang sumikip nang mag-offer ng P20-million para sa ikadarakip ng mga ito. Pero hanggang ngayon ay wala pang magandang balita ukol sa dalawa at patuloy din naman ang pamemerwisyo sa mga kawawang sibilyan. Pati paaralan at health center ay idinadamay nila at wala nang nakikilalang kapwa. Hindi na rin iginagalang ang banal na buwan ng Ramadan. Magtatapos ang Ramadan sa Oktubre 1.
Ang panibagong pagsalakay at paninira ng ari-arian ng mga terorista ay hindi na dapat palampasin ng military. Nararapat nang pag-ibayuhin ang pagtugis sa mga terorista para hindi na makagawa pa ng mga panibagong pananalakay sa mga kawawang sibilyan. Nagpapakita lamang ng karuwagan ang grupo ni Kato at Bravo sapagkat ang mga walang laban na sibilyan ang nakakaya nilang perwisyuhin.
Marami nang napatay na sibilyan ang dalawang kumander kaya nararapat na ang puspusang opensiba laban sa kanila. Dapat bang tigilan ang pagsalakay sa mga taong walang kinikilala kundi ang sarili lamang nila? Dakmain na ang dalawang terorista at pagbayarin sa kasalanan nila!