'Kapag siningil ka ng langit...' (Kinalap ni Gail de Guzman)
(Unang bahagi)
“MAPAPATAY NILA AKO SA KALSADA PERO HINDI NILA AKO MADADALA!”
Ito ang matapang na pahayag ng testigo sa isang Multiple Murder Case (3 counts) na si Melencio “Omeng” Agoelo, 28 taong gulang na nakatira sa Sitio Tanglaw, Antipolo City.
Ganito nga ang nangyari ng siya ay barilin hanggang mapatay ng isang hired-gunman nung umaga ng Sept. 13, 2008 sa Masinag, Antipolo City.
Binayaran ni Omeng ng dugo ang kanyang katapangan upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay (salvaged) ng tatlo niyang kaibigan.
Ang pagpatay kay Omeng ay hindi napunta sa wala dahil nahuli ang gunman at kumanta ito. Ang mga taong umupa umano sa kanya ay mga pulis mula sa Presinto 8 ng Quezon City.
Ang serye na aking sisimulan ngayong araw na ito ay para kay Omeng at sa iba pa d’yan na handang itaya ang kanilang buhay para sa katotohanan at hustisya. Isang paalala na HINDI NILA TAYO KAYANG PATAYIN LAHAT!
Si Omeng ay lumutang bilang testigo sa tatlong kaibigan niyang nakitang patay sa gilid ng fly-over ng Katipunan Road, Quezon City nung katapusan ng Agosto taong 2007.
Kinilala ang mga biktima na sina Raffy Alondres, Leonito Bajen Jr., at Joel Adique. Ang tinuturo na nasa likod ng pagpatay sa kanila, ayon kay Omeng ay walong pulis Quezon City.
Ang kasong ito ay nakarating sa aming tanggapan nung Agosto 31, 2007 nang pumunta ang mga kaanak ng mga biktima na sina Ikien Alondres, Leonita Nanquilada at Bernadette Priolo upang humingi ng tulong sa nangyari sa mga mahal nila sa buhay.
Ika-9 ng Agosto 2007, 10:00 ng umaga may nakarating na balita sa kanila na inimbitahan raw ng mga pulis ng Station 8 ng Quezon City ang tatlo. Dinala sila sa police station “for verification” lang daw.
Matapos dalhin sa Station 8 sa QC hindi na naka-uwi yung tatlong magkakaibigan. Natagpuan sila sa gilid ng Katipunan fly-over nakagapos at malamig ng bangkay.
Inere namin sa aming radio programa sa HUSTISYA PARA SA LAHAT ang kwentong na ang panawagan ay para sa sinumang may impormasyon sa patayang naganap.
Lumutang si Omeng at kusang loob na ibinigay ang kanyang pahayag sa kanyang mga nakita nung madaling-araw na yun.
“Umaga ng ika-9 ng Agosto habang ako ay nasa ilalim ng fly-over ng Katipunan road dumating ang mga pulis na sina PO1 Chan, PO1 Songalia at Colonel Jose Garcia ng damputin nila yung tatlong kaibigan ko,” ayon kay Omeng.
Nalaman ng mga pulis na si Raffy, Leonito at Joel ay nakatira sa Marikina at may mga tatoo kaya pinaratangan daw ang mga ito na nasa likod ng mga “petty-crimes.”
Isinakay umano ang mga ito sa isang Toyota FX kasama ang iba pang mga pulis na sina SPO1 Bulan, PO2 Pedroso, PO1 Tolentino at dalawa pang mga pulis. Hindi na muling nakita ni Omeng na buhay ang mga ito.
Pasado alas-dose ng hating gabi matapos magligpit ng mga paninda nagpasya si Omeng na puntahan ang mga kasamahan niya sa tapat ng Sta. Clara Church sa ilalim ng fly over.
Habang nakikipag-usap siya napansin niya na may dumating na Police Mobile 108 at pumarada ito sa dulo ng poste ng fly over halos katapat lang ng simbahan.
Sa madilim na bahagi ng lugar may bumabang dalawang pulis. Isa sa kanila umano ay si PO2 Pedroso habang si PO1 Songalia naman ay nakita niyang inilawan ang bawat sulok ng lugar.
“Pinaalis nila ang mga tao dun at sinabing baka matamaan sila ng bala dahil may operations. Nagtago naman ako sa likod ng poste ng Meralco habang nakasilip sa kanila. Nakita ko na may dumating na puting kotse na walang plaka at isang dilaw na back to back na sasakyan. Hinarang nila ang mga sasakyang dumadaan sa tapat ng simbahan,” salaysay ni Omeng.
Nasaksihan ni Omeng ang pagbaba sa kotse umano ng hepe ng Station 8 na si Supt. Garcia at inutusan si PO1 Songalia na ilipat ang mobile 108 sa tapat ng Sta. Clara Church.
Umakyat si Omeng ng tulay. Si Omeng ay laking kalye at naging laman nito araw-araw. Alam niya na merong mangyayari. Dumapa siya sa gilid ng fly over at tinanaw sina SPO1 Bulan at PO3 Chan.
Nakita niya ng ibaba ang tatlong bangkay mula sa trunk ng kotseng puti.
Matapos nilang ilatag ang mga bangkay umalis kaagad ang grupo ni Supt. Garcia. Makalipas ang sampung minuto may dumating na mga media kasamang mga pulis sa mobile. Kinunan ng litrato ang mga bangkay.
Mula sa kanyang pwesto sa itaas ng fly over nakita ni Omeng ang kanyang mga kaibigan at kababata na sina Raffy, Leonito at Joel ang mga patay na nakalatag. Tumihaya si Omeng mula sa kanyang pagkadapa, tumingala sa langit at humagulgol.
Idinetalye ni Omeng ang lahat ng kanyang nakita sa isang sinumpaang salaysay na ibinigay niya sa mga abogado ng Department of Justice. Nilagdaan niya ito.
Inakusahan ng Multiple Murder (3 counts) sina SUPT. JOSE GARCIA, PO1 SONGALIA, PO2 JURGENE PEDROSO, SPO1 GIL BULAN, PO3 DOMINIC CHAN, SPO3 BONIFACIO RIOFLORIDO, PO2 SHERWIN TOLENTINO AT PO2 ELMOR ALAY-AY.
Nagharap-harap sila sa prosecutor’s office ng Quezon City kung saan si Atty Harriet Demetriou (na kasama namin sa aming tanggapan) ang tumayong abogado ng pamilya ng mga biktima. Nakailang hearing na sila at malapit ng lumabas ang Resolution ng biglang nangyari ang pinangangambahan ni Omeng.
IKA-13 NG SETYEMBRE 2008 si Omeng ay pinatay sa Masinag Junction, Brgy. Mayamot Antipolo City. Subalit, hindi ba dito nagtatapos ang kwentong ito. Umpisa pa lamang ito!.
ABANGAN SA MIYERKULES, ang pagpapatuloy ng seryeng ito. Eksklusibo dito lamang sa “CALVENTO FILES sa PSNgayon.”
PARA SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN tumawag sa 6387285 o 6373965-70 o magtext sa 09213263166 at 09198972854. Maari din kayong magpunta sa aming tanggapan sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
NAIS kong magpasalamat kina Eric Balcos at Allan Penafiel ng PAGCOR para sa mainit na pagtanggap sa amin sa “Wanders.”
Ganun din sa Chief ng Muntinlupa LTO na si Fe Opina para sa kanyang tulong, kina Arnold Delos Santos at Alie Papel ng Honda Motor World sa Muntinlupa. Mabuhay kayong lahat d’yan.
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending