Hinagpis ni DA Sec. Arthur Yap!
MAYROONG rice sufficiency program ang gobyerno pero naghihimutok si Agri. Secretary Arthur Yap dahil tampulan ito ng pagbatikos. Hindi raw ubrang sisihin ang DA porke nang dahil sa devolution of power sa mga local government units (LGUs), wala nang direktang kapamahalaan ang departamento niya sa mga ipinatutupad ng proyekto. “Para kaming mga Heneral na walang sundalo” wika ni Yap.
Sa kabila nito, sinisisi si Yap lalu na ng mga leftwing solons sa mga anomalya sa proyektong agricuktural ng DA. Actually, tingin ko’y si President Arroyo ang talagang ibig birahin. Wika nga, hataw sa kalabaw sa kabayo ang latay.
Inuupakan ngayon ng mga leftist group sa labas at loob ng Kongreso ang administrasyong Arroyo gamit ang isang 2007 Commission on Audit (COA) report. Kaugnay ito sa ilang “iregularidad” sa mga proyektong agrikultural na ipinapatupad sa lokal na lebel ng mga municipal agricultural officers (MAOs).
Sa usaping ito paliwanag ni Yap, wala nang kontrol ang pambansang gobyerno sa mga MAOs. Umiiral na ang Local Government Code. Sa bisa nito, direkta nang pinamamahalaan ng mga local government units ang mga serbisyong pang-agrikultura, pangkalusugan at iba pang pangunahing serbisyo. Ang batas na ito na ang pangunahing may akda ay si Sen. Nene Pimentel ng oposisyon ay naglalayong magsulong ng genuine local autonomy.
Medyo misleading ang mga bintang against the administration although naniniwala akong dapat kumilos mismo ang Pangulo para siyasatin ito, bagay na inumpisahan na ni Yap. Halos lahat ng mga isyung binigyang-pansin ng COA ay nasagot o inaayos na ng DA.
Ilang buwan nang nilalakad ng DA ang pagdi-detail ng mga MAO sa mga Regional Field Units o RFUs ng departamento. Sa ilalim ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng DA at League of Provinces of the Philippines, ang mga local governments ay mag-aasign ng ilan sa kanilang mga agriculture officers sa mga RFU ng DA upang mamonitor nang maayos ng DA ang two-year, five-harvest program nito na naglalayong iangat ang rice self-sufficiency level ng bansa mula 92% ngayong taon at paak-yat sa 98% pagdating ng 2010.
Pinaiimbestigahan din ni Yap ang isyu. Bumuo na siya ng fact-finding team para makapagsampa ng karampatang kaso laban sa mga may kasalanan, maging mga MAO man o mga tauhan sa RFU na maaaring may kapalpakan sa implementasyon ng mga proyektong ito.
Ang imbestigasyon ding ito, ayon kay Yap, ang maglilinis sa pangalan ng mas nakararaming bilang ng mga MAO at local elective officials na naging tunay na masipag at matapat sa kanilang trabaho para tulungan ang pambansang gobyerno sa pagpapatupad ng mga food security program nito sa lokal na lebel.
- Latest
- Trending