IKALAWA ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa listahan ng mga corrupt na tanggapan. Ang una ay ang Bureau of Customs samantalang ang ikatlo ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH). Marami nang nakaaalam na ang tatlong tanggapan ay pinamumugaran ng mga “buwaya”.
Lungga ng mga “buwaya” ang BIR sapagkat sa kanila nakikipagtransaksiyon ang mga taxpayers. Pera ang pinag-uusapan. Basta nagpunta sa BIR ang taxpayers, tiyak na pera ang pag-uusapan. At dahil pera, maraming nagkalat na “buwaya”.
Ang nakapagtataka lamang, sa dinami-dami ng mga “buwaya” sa BIR ay paisa-isa o padala-dalawa lamang kung makahuli ang Office of the Ombudsman. Bumibilang pa ng buwan bago may maibalita ang Ombudsman na mayroon silang sinuspinde.
Inaasahan na maraming mahuhuling “buwaya” ang Ombudsman mula nang ipag-utos ng Mala cañang ang “lifestyle check”. Binuo rin ang Presidential Anti-Graft Commission para naman mapabilis ang pagsasampa ng kaso. Pero, mabibilang pa rin sa daliri ang mga opisyal at empleado na nasisibak sa puwesto. Lalo pang dumami ang mga “buwaya” at nakapangingitlog pa sila. Ngayon ay sagad na sagad na sila sa katakawan.
Katibayan nang sagad na katakawan ay ang pagkakadakma sa dalawang buwaya sa BIR na sa kabila nang hindi kalakihang suweldo ay nakabili ng mga ari-ariang nagkakahalaga ng milyon.
Sabi ng Ombudsman, inihahanda na nila ang pagsibak sa puwesto kina Beltran Dy at Andres Gabagat Jr.
Si Dy ay revenue district officer sa Balanga City, Bataan. Natuklasan ng Ombudsman na may mga real properties siya sa Parañaque at Cavite na nagkakahalaga ng P1.4 million. Bukod dito, natuklasan din na may P3-million investment siya sa Petron. May Mercedes Benz at tatlo pang mamahaling sasakyan. Ayon sa Ombudsman, ang total networth ni Dy ay P2.9 million lamang noong 2003. Nagsimula siyang maglingkod sa BIR noong 1968.
Si Gabagat ay revenue examiner sa Quezon City BIR office. Natuklasan na meron siyang P1.12 million na bahay at lupa sa La Loma, Quezon City noong 1990. Ang suweldo ni Gabagat noong 1990 ay P136,128.
Marami pang “buwaya” sa BIR at matutuwa ang taumbayan sa Ombudsman kung lahat sila ay mali-lipol. Huwag tantanan ang mga “buwaya”!