WALANG simpatiya ang taumbayan sa ginawang pag-absent ng minority senators noong Miyerkules. Katungkulan ng bawat Senador ang pumasok sa sesyon at makilahok sa mga debate. Lahat sila’y may pinanghahawakang mando — ang tiwalang hiningi sa tao na kakatawanin ang interes ng huli kapalit ng isang boto. Paano ito gagampanan kung wala sa loob ng Senado?
Ang ugat ng kontrobersya ay ang expose ni Sen. Lacson sa P200 Million “double insertion” sa C-5 extension na sinisisi niya kay Sen. Pres. Villar. Nag-adjourn ang sesyon nung Lunes na may “usapan” o “gentleman’s agreement” ang ilang Senador na matapos ma-interpellate ni Sen. Joker si Sen. Lacson, susunod naman na magtatanong ay si Sen. Jamby. Nang mag-resume ang sesyon nung Martes, sumingit si Sen. Alan Cayetano ng isang Question of Personal Privilege upang ipagtanggol ang pangalang nakaladkad din sa expose. Sa ilalim ng Senate Rules, isa itong motion na may napakataas na pribilehiyo.
Ano ngayon ang masusunod? Ang Senate Rules o ang Gentleman’s Argeement?
Sa sitwasyong ito, madali ang sagot. Kapag lumabag ka sa Gentleman’s agreement, ang nilabag mo lang ay pribadong usapan. Pinakamasama na ang matawag kang hindi Gentleman. Subalit kung ang hindi mo sundan ay ang alituntunin mismo ng Senado, ang nilabag mo ay hindi pribado kung hindi opisyal na usapan at maari kang parusahan ng Senado.
Sa lahat ng mataas na institusyon ng pamahalaan, tanging ang Senado lang ang nananatiling mabango sa tao sa mga umpukang nangyari sa ilalim ng Arroyo administrasyon. Ito’y dahil sa impresyon na lagi itong titindig na tagapagtanggol ng katotohanan. Hindi malilimutan ang pangunguna nito sa mga pagkilos upang ipaglaban ang mga karapatan ng mamamayan laban sa abuso at karahasan ng Ehekutibo. Sila ang bagong mga idolo ng bayan.
Kaya ganun na lang ang aking pagkadismaya kapag nakikita itong mga tanglaw na nagbibigay liwanag na nagsasaboy din ng kadiliman sa isa’t isa. At ang masahol pa ay imbes na aregluhin ang di-pagkakaunawaan sa pamamagitan ng debate sa Senado, kusa na lang mag-aabsent at tatalikuran ang katungkulan sa bayan. Kung ang reklamo ni Sen. Lacson ay “double insertion’, hindi ba siya naman ang guilty ng “double desertion”?