EDITORYAL - Budget sa kalsada ginagamit sa iba

MARAMING nabubuklat na isyu sa kasaluku­yang gobyerno at kabilang dito ang tungkol sa pondong pang-infrastructure projects na gina­gamit sa ibang proyekto. Kaya hindi nakapagtataka kung may makitang mga kalsada na hindi tapos. Paanong matatapos gayung ang budget para rito ay ginamit muna para pangsuweldo sa empleado, pambili ng gamit sa opisina, pang-renovate ng building, ginamit para sa maintenance at mayroong para sa ope­rating expenses ng opisina.

Nabuklat ng Commission on Audit (COA) ang ma­raming anomalyang ito at kasalukuyan nilang iniha­ handa ang pagpapa-file ng kaso sa mga opis­yal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na hindi awtorisadong ginamit ang pondo para sa ibang bagay. Ayon sa COA, tinatayang nasa P2,155 bilyon para sa pagpapagawa at pag-sasa­ayos ng mga farm-to-market roads ang ginamit para sa ibang bagay. Ang paggamit ng pondo para sa ibang proyekto ay mahigpit na ipinagbabawal at nakasaad ito sa probisyon ng Administrative Code of 1987. Naka­­saad sa batas: “All monies appropriated for functions, acitivities, projects, and programs shall be available solely for the specific purpose for which these are appropriated.”

Batbat ng anomalya ang DPWH at nagsasawa na ang taumbayan sa ganitong nangyayari. Habang marami ang naghihintay kung kailan magkakaroon ng kalsada sa kanilang barangay para mailuwas ang kanilang produkto, wala silang kamalay-malay na gina­gamit pala ito sa ibang proyekto o baka isinisilid na sa sarilng bulsa. Maraming barangay sa buong bansa ang wala pang kalsada. At kapag walang kalsada, natural na wala pa ring kuryente. Imposib­leng magkaroon ng kuryente ang isang barangay na walang kalsada. Siyempre, sa kalsada ihahanay ang mga poste ng kuryente.

Hindi nga uunlad ang Pilipinas, sapagkat ang mga proyekto ng pamahalaan ay hind gaanong nasusu­baybayan. Sa halip na bilisan ang pagsasagawa at pagsasaayos ng mga kalsada, inaabandona ang mga ito at ang ibang proyekto naman ang inaatupag. Kaya kapag nakakita kayo ng putol na kalsada, tiyak na ito ay kagagawan ng mga corrupt na opisyal ng DPWH. Saka na lamang ituloy ang pagtapos sa kal­sada at ang unahin muna ay ang proyektong mag-aakyat din ng pera sa sariling bulsa.

Sana ang banta ng COA na sasampahan ng kaso ang DPWH officials kaugnay sa paggamit ng pondo ay magkaroon ng kaganapan.

Show comments