KASO ito ng NOL, isang kompanyang pandagat na nagmamay-ari ng M/V Baltimor Orion. Ang mga kargamentong sangkot ay tatlong bulto ng “warped yarn”, isang klase ng sinulid na pinakarga ng LTGMC na isang kompanya ng tela mula Hong Kong upang dalhin sa FMC, isang lokal na kompanya sa Manila.
Ang kargamento ay ikinarga sa container at nasa maayos na kondisyon, ayon sa deklarasyon ng Bill of Lading (B/L) No. HKG-0396180. Walang deklaras yon kung magkano talaga ang halaga ng kargamento ngunit pinaseguro ng FMC ang kargamento sa anumang sakuna sa tulong ng Philippine Charter Insurance Corporation (PCIC) sa ilalim ng Marine Cargo Policy No. RN 55581 sa halagang P228,085.
Sa ilalim ng B/L, hindi hihigit sa $500 kada parsela ang pananagutan ang barko sa anumang mangyayari sa kargamento, mawala man ito o masira, o kung ito na ma’y hindi nakaparsela, ang pananagutan ng barko ay kung magkano lang ang binayad sa pagkarga o kaya ang tunay na halaga ng kargamento ng ito’y idedeklara ng nagpabiyahe sa B/L.
Habang bumibiyahe mula Hong Kong papuntang Maynila ay inabot nang malakas na hangin ang barko. Tumaob ito. Dahil dito, apat na container ang tumilapon sa dagat. Isa na rito ang container na naglalaman ng mga sinulid.
Hiningi ng FMC na bayaran ng OASI (ang lokal na ahente ng NOL sa Manila) ang halaga ng kargamento. Hindi ito pinansin ng ahente. Sumunod na hiningan ng bayad ng FMC ang PCIC. Binayaran nito ang FMC sa kabuuang halaga na P228,085. Nang mabayaran ang FMC, nagsampa ng kaso ang PCIC upang mabawi ang halagang P228,085. Ang desisyon ng korte ay pabor sa PCIC. Hindi raw nag-ingat ang barko at iyon ang dahilan kung bakit nawala ang kargamento kaya’t nararapat lamang na magbayad ang kompanya.
Nang mag-apela, pumanig ang Court of Appeals (CA) sa desisyon ng korte ngunit binawasan ang babayaran ng NOL. Mula P228,085, pinagbabayad na lamang ng $1,500 ang NOL para sa tatlong parsela alinsunod sa nakasaad sa B/L. Tama ba ang CA?
TAMA. Sa kargamentong nawala sa biyahe mula Hong Kong papuntang Manila, ang mga karapatan at obligasyon ng mga barkong pandagat ay nakasaad sa batas (Art. 1753 & 1766 Civil Code, Carriage of Goods by Sea Act – COGSA).
Sa ating batas, limitado sa nakasaad sa B/L ang pananagutan ng mga barkong pandagat na kabilang sa tinatawag nating “common carrier”. Kung gusto ng may-ari ng kargamento na bayaran ito ayon sa tunay na halaga, dapat na nadeklara ito sa B/L bayaran din ang karampatang singil sa B/L.
Sa COGSA, hanggang $500 lamang ang dapat bayaran ng common carrier o ng barkong nakawala ng kargamento. Nagbabayad lamang ng mas mataas kung idineklara sa B/L ang uri ng kargamento at kung magkano ang tunay nitong halaga.
Sa kasong ito, ang B/L na isinumite ng PCIC ay hindi nakadeklara ang tunay na halaga ng kargamento na pinadala ng LTGMC at pinasiguro naman ng FMC. Wala ring ebidensiyang magpapatunay na may karagdagang bayad na ibinigay sa B/L kung kaya’t masusunod ang stipulasyon na hanggang $500 lang kada parsela ang mababayaran (Philippine Charter Insurance Corporation vs. Neptune Orient Lines etc., G.R. 145044, June 12, 2008).