Pagpabor sa ZTE sumira sa Pilipino
NITO lang Marso sa hearing sa Senado umamin si DTI Sec. Peter Favila. Pumirma pala siya ng Memo of Understanding sa ZTE Corp. nu’ng Hulyo 12, 2006 nang limang proyekto halagang $4 bilyon: pagmina sa Diwalwal, pagmina sa North Davao, economic zone sa Davao City, info-tech school, at ang mainit na national broadband network. Hindi lang overpriced $330-milyong NBN ang ibinunga ng MOU; sumira pa ito sa isang kumpanyang Pilipino na listed sa stock Market, ang Picop na gawaan ng papel.
Inatasan ng MOU ang DoF, DENR, DILG, DTI, DBM, DoTC, NEDA at lahat ng ahensiya ng gobyerno na tumulong sa pagsasakatuparan nito. Binigyan ni President Gloria Arroyo si Favila ng “special authority” para pumirma at pakilusin ang gobyerno sa implementasyon. Kaya makalipas lang ang dalawang linggo, nagpulong ang ZTE execs at Philippine Mining Development Corp., corporate arm ng DENR. Tinuruan ng PMDC ang ZTE kung paano iiwas sa public bidding sa Diwalwal at North Davao na hawak ng gobyerno, at pagtago ng telecoms firm sa likod ng anomang minero sa China. Iginiit ng ZTE ang hatiang 10:90 sa tubo, pabor sa kanya.
Labag lahat ito sa Konstitusyon. Tatlong klase lang maari magmina sa Pilipinas: estado mismo ang gagawa, o ipakontrata sa kompanyang di bababa sa 60 percent na pag-aari ng Pilipino, o sa dayuhan pero FTAA (financial-technical assistance agreement) lang at walang operasyon. Pero ibinalato ng Arroyo admin sa ZTE ang karapatan at kayamanan ng bansa. Nu’ng nangyayari ito, kasalukuyang inilalaban ng Picop ang pag-aari nito ng rights sa 166,000 ektaryang gubat sa southeast Mindanao, sakop ang 8,100-ektaryang Diwalwal (kung saan 729 ektarya ang gold rush area). Taon 1963 pa hawak ng Picop ang forest reserve, at itinaguyod muli ng gobyerno nu’ng 1969. Kaya kinatigan ang Picop ng lower at Court of Appeals. Laking gulat nito nang biglang binaliktaran siya ng DENR at Sol-Gen, kaya natalo sa isang division ng Korte Suprema. E kasi nga, may utos sa lahat ng ahensiya ng gobyerno sa paboran ang ZTE. Pinagkaitan ang Picop ng pagpuputol ng sariling puno, kaya’t nagsara ito at nag-layoff.
- Latest
- Trending