Masara isara!
ANG titigas talaga ng ulo ng may mangilan-ngilang residente ng Bgy. Masara sa Maco, Compostela Valley. Nagmatigas sila at ayaw nilang lisanin ang kanilang lugar kahit ilang ulit na silang pinagsabihan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na dapat agad silang umalis dahil sa nakaambang banta ng panibagong pagguho ng lupa matapos ang twin-landslides noong nakaraang linggo na ikinamatay ng 26 katao at ikinasugat ng 34 na iba pa.
Ginawa na ng local na pamahalaan ng Maco at Compostela Valley, ganundin ng mga pulis at militar ang lahat ng paraan para matupad ang forced evacuation ng mga residente sa Masara. May mga sumunod naman sa utos na lisanin na nila ang Masara, ngunit may mga pasaway at nagpaiwan kahit na nakatitig sa kanila ang panganib ng tiyak na kamatayan.
Ganun din ang naging rekomendasyon ng MGB sa kalapit na barangay ng Mainit. Lahat ng mga mamamayan doon ay pinalilisan na rin at pinapalipat sa karatig Bgy. Elizalde kung hindi sa mas malalayong lugar na siguradong hindi na abot ng panibagong landslide kung mangyari man.
May higit kumulang 1,216 indibidwal na ngayon ay nawalan ng tahanan sa magkasunod na landslides noong isang linggo. May 350 na pamilya pa ang tinatayang mawalan ng tahanan sa ginagawang forced evacuation ngayon. Sila ay pansamantalang nakatira sa evacuation center kung saan ang hindi maayos na sanitasyon ay naging sanhi na rin ng mga kung anu-anong sakit na dumadapo sa mga tinatawag na “bakwit”.
May dalawa pa ngang biktima na hanggang ngayon ay hindi pa makita pagkatapos silang matabunan ng putik at bato nang naganap ang dalawang landslides sa Masara.
Humihingi ng tulong o anumang donasyon ang Regional Disaster Coordinating Council XI para iabot sa mga biktima ng Masara landslide na talagang nawalan hindi lang ng tirahan kundi maging ng kanilang pangkabuhayan.
Ang paglisan ng mga residente ng Masara at Mainit ay hindi lamang ngayon iniutos. Pinaalis na sila noong isang taon pa nang mangyari rin ang isang landslide na ikinamatay ng 10 tao. Ngunit patuloy nilang sinusuway ang kautusang para naman sa kanilang kapakanan.
Napakalambot na ng lupa sa Masara at Mainit na kahit anong gawin pa ng mga heavy equipment na pinadala ng Engineering Brigade ng Philippine Army ay balewala na rin.
At gaano man kalambot ang lupa sa Masara at Mainit, dapat tapatan ito ng kamay na bakal ng pamahalaan upang maisakatuparan ang puwersahang paglisan ng mga residente sa nasabing lugar bago man lang tuluyang gumuho ang ano pa mang natitira sa kani-kanilang mga buhay.
Ang dapat ding pagtuunan ng pansin ng Engineering Brigade at ng lokal na pamahalaan ng Maco ay ang agarang pagpatayo ng relocation site para sa mga apektadong residente ng Masara at Mainit.
Bukod sa pagpatayo ng matitirahan ng mga apektadong resi dente, kailangan din silang tulungan na makahanap ng alternatibong pangkabuhayan at nang hindi na sila aasa lang sa pagminina ng ginto sa mga bundok ng Maco.
Dapat humanap ng paraan ang local na pamahalaan ng Maco, maging ang national government, kung paano magkaroon ng ibang pagkakitaan ang mga taga-Masara at Mainit. Puwede nilang ibaling ang kanilang pansin at efforts tungo sa agrikultura at kung ano pa man maliban sa pagmimina ng ginto.
Ang pagmimina ng ginto ang naging dahilan kung bakit ayaw lisanin ng mga residente ang Masara at Mainit. Bukod sa operasyon ng Apex Mining Corporation sa Maco, andun din ang pagmi mina ng mga ilang libong small-scale miners sa magkatabing bundok.
Ginto ang naging dahilan kung bakit naging matigas ang ulo ng mga taga-Masara at Mainit, at tinataya nila ang mga buhay nila sa gitna ng panganib na dala ng killer landslides. Kumakapit sila sa patalim.
Para sa mga taga-Masara at Mainit, ginto ang naging kabuhayan nila ngunit ginto rin ang naging mitsa sa kanilang mga pa ngarap. At taliwas sa kanilang inaasahang kumikinang na kinabukasan, ginto rin ang nagdadala sa kanila sa trahedya.
- Latest
- Trending